ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 17, 2022
Gagamitin ang 2023 SMART National Open For Badminton upang matukoy ang mga maglalaro sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia. Ang nasabing torneo ang unang malaking handog ng Philippine Badminton Association (PBAD) sa Bagong Taon at gaganapin mula Pebrero 20 hanggang 26 sa Dragon Smash Badminton Center sa Makati City.
Paglalabanan ang mga kampeonato sa Men’s at Women’s Singles, Men’s at Women’s Doubles at Mixed Doubles. May naghihintay na kabuuang P1,000,000 para sa lahat ng mananalo.
Ang National Open ang magiging simula ng pagpapairal ng National Ranking System kung saan bibigyan ng puntos ang mga kalahok. Ayon kay Project Director Imee Moreno ng Cagayan de Oro, malaking tulong ito sa pagtuklas ng mga bagong atleta,
Ayon kay PBAD Secretary General Christopher Quimpo, plano nila na magpadala ng walo hanggang 15 atleta sa Cambodia. Huling nag-uwi ang Pilipinas ng medalya noong 2015 SEAG sa Singapore na tanso sa Men’s Doubles ng tambalang Philip Joper Escueta at Ronel Estanislao.
Asahan na maglalaro ang mga kasalukuyang kasapi ng pambansang koponan na nasa Malaysia ngayon para mag-ensayo. Mahalaga ang makalikom ng puntos dahil ito rin ang batayan para makalaro ang mga Pinoy sa 2024 Paris Olympics at ibang malalaking torneo gaya ng Thomas at Uber Cup.
Dagdag ni Jude Turcuato ng MVP Sports Foundation na angkop ang Badminton sa katawan at liksi ng Pinoy. Marami sa nangungunang manlalaro ng mundo ay buhat sa mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya.
Huling ginanap ang National Open noong 2019 bago ang 30th SEAG sa Pilipinas. Ang parating na National Open ang kasunod na matagumpay na pagdaos ng PBAD ng Badminton Asia Championships noong Mayo at National Inter-Collegiate nitong Setyembre, 2022.
Kommentarer