ni Gerard Peter - @Sports | January 3, 2021
Marso, 2020 nagsimula na ang malawakang banta ng COVID-19 disease sa buong mundo na sumidhi sa matinding pagkabahala at takot higit na sa larangan ng pampalakasan. Gayunpaman, may ilan pa ring mga torneo ang itinakda sa bansa gaya ng 2020 Badminton Asia Team Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Philippine Super Liga Grand Prix at pagbubukas ng second semester ng UAAP, gayundin ang ilang mga kompetisyong nilahukan ng national athletes.
Noong Marso 11 inanunsyo ng NBA ang suspensiyon ng 2019-2020 season kasunod ng pagtama ng Covid-19 kay Utah Jazz center Rudy Gobert ng France. Ito na marahil ang pinakamalaking interapsyon sa kasaysayan ng NBA sapol noong 2011 NBA Lockout. Maraming sports events mula sa amateur ar professional sports ang nagdesisyong suspensyunin, ipagpaliban, ilipat o kanselahin ng tuluyan ang mga kompetisyon tulad ng US NCAA tournaments, MLB, 2020 INDYCAR Series season, motorsport leagues, High School at College winter and spring sports events, Little league at iba pang football leagues, Tennis, X-Games, NFL Draft, NASCAR, WWE, XFL, PGA Tour, UFC, NHL seasons, Little League World Series, Minor Leagues at iba pang wrestling at MMA events sa buong mundo. Sa Pilipinas ay sinimulan na ring ipatigil ang mga laro ng PBA, UAAP, NCAA, PSL at lahat ng mga lokal na kompetisyon.
Isa sa mga mabibigat na naunsyami sa panahon ng pandemya ay ang 2020 Tokyo Olympics – inanunsyo ng International Olympic Committee (IOC) at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang pagpapaliban ng quadrennial meet dahil sa Covid-19 at pagtaas ng kaso nito sa buong mundo.
Naisingit muna ng Pinoy boxers na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno ang mga kani-kanilang ticket sa Summer Olympic Games mula sa Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Jordan. Nagwagi ng gold medal si Marcial sa men’s middleweight division, habang naitakas ni Magno ang ticket sa Tokyo nang manaig laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan via unanimous decision sa women’s under-51kgs flyweight division box-off. Nabigo sina 2019 AIBA world champion Nesthy Petecio, Riza Pasuit, James Palicte, Carlo Paalam at Ian Clark Bautista.
Tuluyan ng sinuspinde ang UAAP season 82 at iba pang lokal na kompetisyon. Naudlot angpagtatapat nina WBO bantamweight champ Johnriel Casimero at undefeated Japanese slugger at unified IBF/WBA/The Ring champion Naoya Inoue nung Abril 25 sa Mandalay Events sa Las Vegas, Nevada.
Comments