ni Gerard Arce @Sports | March 25, 2024
Binira ng magkakasunod na banat ni up-and-coming boxing star Emmanuel Joseph “Eman” Bacosa-Pacquiao ang kasuntukan nitong si Davaoeno Jan Clyde Langahin sa pamamagitan ng third-round referee stoppage sa kanilang four-round lightweight bout kahapon sa Blow-By-Blow boxing event sa Okada Manila Hotel and Casino sa Paranaque City.
Nagawang ipatigil ni referee Elmer Costillas ang kanilang laban sa oras na 1:00 ng third round kasunod ng sunod-sunod na upak na natanggap ni Langahin upang mas mapahaba ni Bacosa ang kanyang winning streak sa tatlo kaantabay ang tatlong knockouts. “Nag-advice syang lagi kang mag-train hard, wag mo indahin ang both fights, kung ano yung training mo nung nakaraan, ganun pa rin ang gagawin mo sa susunod. Keep on improving lang,” pahayag ni Bacosa sa harap ng media. “Masayang-masaya ang puso ko saka nagpapasalamat ako sa lahat ng taong sumusuporta sa akin, saka sa pamilya ko, sa daddy ko, na pinagkukunan ko ng motivation at inspirasyon.”
May pagkakataon na mapapatumba ni Bacusa (3-0-1, 3KOs) si Langahin sa unang round pa lamang matapos magpatama ng mga solidong suntok kabilang ang ilang straight at hooks sa mukha na nagpa-atras ng husto sa kalaban. Subalit bahagyang nawala ang momentum sa isang pagkakamali ng referee, dulot ng pagtunog ng clapper na senyales ng 10 segundong nanatili sa laro. “Sa tingin ko (tapos na 'yung laban), pero dahil sa injured hand ko, kase during training po na-injured yung kamay ko, mga ilang days pa siyang naka-cask,” paglalahad ng 5-foot-10 mula General Santos City.
Nagtapos sa tabla ang laban nina Ramil Barrios at Michael Asuncion sa minimumweight bout, habang nauwi rin sa tabla ang laban nina Ronerick Ballesteros at Japanese boxer Kenshin Kidoguchi sa lightweight division.
Comments