ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 23, 2023
KATANUNGAN
Bago pa lang ako nagbabasa ng mga artikulo mo Maestro, pero nagustuhan ko na ito agad. Lagi akong nagbabasa lalo na pagdating sa Horoscope at Guhit ng Palad. Nais kong malaman kung mabibiyayaan pa kaya ako ng isang supling?
Hindi n’yo man naitatanong pero 3 taon na kami nagsasama ng mister ko, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nagkakaroon ng baby.
Ayon sa doctor na nilapitan namin ay wala umanong may deperensya sa amin, kung kaya’t niresetahan na lang kami ng vitamins.
Maestro, sa tingin mo ba ay magkakaanak pa ako? Kung sakaling oo ang iyong sagot, kailan kaya ito at ano ang magiging gender niya kung saka-sakali?
KASAGUTAN
Medyo mahirap makita ang guhit ng Children Line (Drawing A. at B. 1-C, at 2-C) na tinatawag, pero mayroon tayong dalawang tinitingnan.
Una iyong pataas na guhit sa ilalim ng daliring hinliit sa ibabaw ng Marriage Line (1-M arrow b.) at ikalawa iyong mga guhit na pahalang sa gilid ng palad (1-C, at 2-C), sa kaso mo, dalawang malulusog na Children Line (Drawing A. at B. 1-C at 2-C, arrow b. at c.) ang nakikita sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, dalawa ang magiging baby n’yo. Lalaki ang una, dahil makapal at mas mahaba ang nasabing Guhit ng Supling (1-C arrow b.), habang posibleng babae naman ang ikalawa, dahil medyo manipis at maikli ang nasabing Guhit ng Supling (2-C arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang pag-aanalisang magkaka-baby ka na sa malapit na hinaharap ay madali namang kinumpirma ng lagda mong nagkaroon ng “phallic symbol” sa dulong bahagi. Ang phallic symbol, ay ang tila kudlit sa loob ng letrang “o”, kung saan, ang “phallic symbol” na iyan kung sa terminong pang-psychology ang pag-uusapan iyan din ang “penis” o kasarian ng isang lalaki. Kaya nga maihahaka na ngayon pa lang ay nasagap na ng unconscious mong kaisipan at pagkatao, ang mabubuong baby sa iyong sinapupunan, isang malusog at matalinong lalaking sanggol na susundan naman ng isang malusog din at cute na babaeng sanggol.
MGA DAPAT GAWIN
Vicky, ayon sa iyong datos na kinumpirma ng Children Calendar, humigit kumulang sa kalagitnaang bahagi ng taong 2024 hanggang sa last quarter ng nasabing taon, walang duda na mabubuntis ka, pagkatapos ng siyam na buwan, tuluyan na ngang isisilang ang isang malusog na lalaking sanggol na kukumpleto at magbibigay ng galak at ligaya sa inyo.
Lilipas ang humigit dalawang taon, isang babaeng sanggol naman ang muling isisilang, na kukumpleto sa inyong pamilya at lalo pang magpapatibay ng inyong samahan at panghabambuhay na pagmamahalan.
Comments