ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | February 15, 2022
Sa kanyang latest YouTube vlog ay nagpa-house tour si Angeline Quinto sa kanyang bagong bahay na nilipatan.
Umalis na pala siya sa bahay na naipundar niya sa Commonwealth, QC at matagal niyang naging tahanan kasama ang kanyang adoptive mother na si Mama Bob.
Isang simpleng-simpleng 3-storey townhouse ang bagong bahay ni Angeline na aniya ay magiging tahanan niya kasama ang partner at ang magiging anak nila.
Makikita nga sa house tour na mas maliit ang bagong tirahan nila compared sa dati niyang bahay, pero ayon kay Angeline ay ito talaga ang sakto lang sa kanila.
Aminado rin naman siya na nalulungkot din siyang lisanin ang tahanang matagal na tinirhan.
“Siyempre, nakakalungkot. Sino ba naman ang hindi malulungkot, 'di ba? Na nanggaling ako sa dream house ko, ngayon, lilipat ako sa bagong tirahan. Pero sobrang thankful din ako na may bagong bahay,” ani Angeline.
Masyado raw malaki ang dating bahay nila na halos hindi na sila nagkikita-kita ng mga kasama niya.
“Kasi, sa bahay namin dati, 'di ba, napansin n’yo, ang laki-laki ng bahay, may swimming pool, halos hindi kami nagkikita-kita. Parang si Ate Irene, 'pag tatawagin ko, nasa labas, kailangan mo pang tawagan sa cellphone.
“Hindi kami laging nagkakasabay sa pagkain. Pero ngayon, every morning, every lunch time, every dinner, lahat kami, nasa dining table, magkakasabay kaming kumakain. So, ang sarap pala nu'ng ganu’n,” paliwanag ni Angeline.
“Sa totoo lang, sobrang nakakalungkot din naman na umalis kami sa dream house namin ng Mama Bob. Siyempre, ever since, after ko manalo sa Star Power, ‘yun ‘yung dream house namin na talagang naipundar ko.
“Pero iba rin po talaga 'yung lungkot na simula nang mawala ang Mama, every day, nagigising ako sa bahay, ang daming mga kuwarto na hindi nagagamit. Minsan, kaming 2 lang ni Ate Irene ang naiiwan, so, si Ate Irene, may sariling room, ako nasa taas. So, ilang kuwarto ‘yung hindi natutulugan.
“Kaya parang mas ang hirap kasi tuwing papasok ako sa kuwarto ng Mama Bob, siguro, siyempre, dahil nasanay ako na talagang du’n ‘yung lugar ng Mama ko, every day ‘yan, kung halimbawang every day akong papasok sa kuwarto ng Mama, every day din akong umiiyak. Doon ako nahihirapan,” kuwento ni Angeline.
Nagsabi naman daw siya sa kanyang Mama Bob na talagang gusto na niyang makalipat sa isang lugar na kahit simple lang, ang importante ay magkakasama sila ng kanyang bubuoing pamilya.
コメント