top of page
Search
BULGAR

Babala sa mga taong babad sa init!

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 6, 2021





Dear Doc. Shane,


May alta-presyon ang aking asawa kaya pinagbinabawalan ko siyang lumabas ng bahay lalo na tuwing tanghali dahil baka matulad siya sa pinsan ko na-heatstroke. Ano ba ang mga sanhi ng heatstroke? – Josie


Sagot


Ang katawan ay tulad ng makina na posibleng pumalya o masira kung mapababayaang mainit o mag-overheat. Ganito ang maaaring mangyari sa katawan ng tao kung mapasobra sa pagtaas ng temperatura. Ang heatstroke ay kondisyon na dulot ng sobrang pagtaas ng temperatura ng katawan o overheating. Maaari itong maranasan kung mananatiling naiinitan ang katawan nang mahabang panahon na umaabot sa temperatura na 40 degree celsius. Isa itong seryosong kondisyon na maaaring makaapekto sa maayos na paggana ng katawan lalo na sa utak at kung mapababayaan ay maaaring makamatay. Ito ay itinuturing na emergency at nangangailangan ng agarang paggagamot.


Sanhi ng heatstroke:

  • Pananatili nang matagal sa mainit o maalinsangang kapaligiran. Tiyak na nakaaapekto ang temperatura sa paligid. Kaya naman, ang sobrang init na kapaligiran ay maaaring makapagpataas ng temperatura ng katawan. Ito ay maaaring pag-umpisahan ng heatstroke.

  • Sobrang pagkilos. Ito ay nakapagpapataas din ng temperatura ng katawan lalo na kung gagawin ito sa mainit na kapaligiran. Ang tuluy-tuloy na pisikal na gawain na may kakaunting pagkakataon ng pagpapahinga ay maaaring humantong sa heatstroke.

  • Pagsusuot ng mainit na damit. Tataas din nang husto ang temperatura ng katawan kung ang damit ay sobrang kapal. Halimbawa, ang mga nagsisilbing mascot na nananatili nang matagal sa mainit na kasuotan.

  • Sobrang pag-inom ng alak. Nakaaapekto ang pag-inom ng alak sa pagpapanatili ng katawan ng tamang temperatura. Kaya naman, sa ilang pagkakataon, nagiging sanhi ang sobrang pag-inom nito sa pagtaas ng temperatura at pagkakaranas ng heatstroke.

  • Kakulangan ng tubig sa katawan. Malaki ang papel ng tubig sa pagpapanatili ng tamang temperatura ng katawan. Kaya naman nakako-contribute ang kakulangan nito sa pagka-heatstroke.


Mga nakapagpapataas ng tsansang ma-heatstroke:

  • Edad. Ang mga sanggol at matatanda na ang edad 65 pataas ang pinakaapektado ng pagbabago sa temperatura. Ang mga sanggol na hindi pa lubusang maayos ang sistema ng katawan sa pagreregularisa ng temperatura at ang matatanda ang may pinakamataas na panganib ng pagkaka-heatstroke.

  • Gawain o trabaho na maglalagay sa mainit na kapaligiran. Ang mga taong nagtatrabaho sa maiinit na lugar tulad ng mga metro aide, traffic police at aide, construction worker, o mascot at indibidwal na may nakapapagod na gawain tulad ng mga atleta ay may mas mataas na posibilidad ng pagkaka-heatstroke.

  • Biglaang pagtaas ng temperatura. Ang mga taong hindi sanay sa mainit na panahon at biglang pupunta sa lugar na mainit ay may malaki ring posibilidad na ma-heatstroke.

  • Pagkakaroon ng ilang kondisyon o karamdaman. Ang pagiging sobrang bigat o obese o kaya ang pagkakaroon ng kasaysayan ng stroke, sakit sa puso o alta-presyon ay may mataas ding posibilidad ng pagkaka-heatstroke.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page