ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 9, 2022
Sa loob ng buong taon noong 2021 hanggang sa kasalukuyan, ang Kaspersky products na ginagamit ng Pilipinas ay nakatukoy at nagawa nilang mapigilan ang mahigit sa 50 milyong web threat attempts, ayon sa inilabas na datos ng Kaspersky Security Network (KSN).
Ang KSN ay itinatag noong 1997 at mula noon ay naging kilala at respetadong multinational cybersecurity and anti-virus provider na nangunguna rin sa cloud-based threat intelligence service.
Ayon sa inilabas na ulat ng Kaspersky’s global ranking, ang Pilipinas ay nasa pang-apat na puwesto sa kabuuang ulat na web threat attempts kasunod ng mga bansang Belarus, Algeria at Kazakhstan.
Ibig sabihin, malaki ang naging epekto ng kasalukuyang pandemya para sa ating mga kababayan na karamihan ay hindi makalabas ng kani-kanilang tahanan, kung saan nagsasagawa ng studying, surfing, working o banking sa pamamagitan ng web na nalantand sa mataas na sitwasyon para sa delikadong kalagayan ng Internet.
Mula umano noong 2017 hanggang 2021, ang malware-detection history ng KSN o ang cyber threat na natukoy sa Pilipinas ay umabot na sa 433 porsiyento base mismo sa inilabas nilang ulat noong nakaraang linggo lamang.
Ang binabantayang cyber threat attempts na naitala sa device ng mga gumagamit ng Kaspersky noong 2017 ay umabot sa 9,487, 775 kumpara sa taong 2021 na pumalo sa 50,544,988 na higit na limang ulit ang grabeng itinaas.
Noong nakaraang buong taon lamang, ang Kaspersky’s detection system ay nakadiskubre ng humigit-kumulang sa 380,000 na mga bagong malisyosong files araw-araw na ang ibig sabihin ay pumalo sa 20,000 ang itinaas pa kumpara noong sinundang taon.
Karamihan sa mga nasasagap na banta o 91 porsiyento sa mga ito ay nagaganap sa pamamagitan ng WindowsPE files, isang file format na para lamang talaga sa Windows operating systems na karaniwang ginagamit.
Samantala noong nakaraang taon, ang mga cybercriminals ay nagsimula na ring magpakalat ng mga banta na nag-uugnay naman sa Linux operating system na hanggang ngayon ay tuluy-tuloy at patuloy pang lumalakas.
Kaya ang resulta, ang bilang ng mga natukoy na Linux malware at unwanted software ay pumaimbulog na sa 57 porsiyento at patuloy din sa pagtaas na taliwas sa kanilang inaasahang mangyari kumpara sa kanilang datos noong mga nagdaan pang taon.
Ang web threats ay mga pag-atake sa pamamagitan ng browser, karaniwang ginagamit ng mga cybercriminal ang drive-by downloads at social engineering upang subukang magpakalat ng malware sa device ng gumagamit ng Internet.
Tinatawag itong drive-by download infection na madalas ginagamit sa mga pag-atake na karaniwang nakakapambiktima kung ang gumagamit ng Internet ay papasukin o bibisitahin ang infected website.
Sa nabangit na pag-atake, ang mga cybercriminals ay gumagamit ng file-less malware, ang pinakadelikadong paraan para makaatake at makahawa ng isang device dahil sa kumplikadong malware na sobrang hirap umanong matukoy at ma-counter.
Sa kabilang banda, ang social engineering ay pag-atake, kung saan ang gumagamit ng Internet ay nag-download ng malisyosong file sa computer na karaniwang nangyayari kapag napaniwala ng mga cybercriminal ang biktima na lehitimong programa ang kanyang dina-download.
Habang isinusulat natin ang artikulong ito ay hindi pa rin tumitigil ang mga eksperto sa larangang ito kung paano tatapatan ang husay at bilis ng mga cybercriminal na araw-araw ay patuloy pa rin sa kanilang aktibidades para makapamerhuwisyo.
Hindi naman natin mapipigilan ang ating mga kababayan sa paggamit ng internet kaya gagamitin na lang natin ang pagkakataong ito para bigyan sila ng babala na mag-ingat at ugaliin ang pagsasagawa ng cyber-hygiene o kung hindi sapat ang kaalaman hinggil dito ay magpatulong sa mga marunong.
Bahagi ng cyber-hygiene ang regular na scanning ng device para sa virus, pagpapalit ng passwords, keeping apps, software and operating systems up-to-date at pisikal na paglilinis ng hard drive.
Malaking bagay kasi talaga ang internet, dahil hindi lang sa mga mag-aaral ito nakatulong sa panahon ng pandemya, ngunit maging sa maraming manggagawa ay naitawid natin ang maraming sitwasyon dahil sa husay ng teknolohiyang ito.
Ang internet din ang pumutol sa pagkabagot ng marami nating kababayan sa gitna ng pandemya, nagawa nilang makausap ang kanilang mga kaanak nang nakikita kahit nasa malayong lugar at marami silang napuntahan at nadalaw kahit nasa bahay lamang.
Kaso hindi talaga maiiwasan ang mga kontrabida kahit kailan, palagi ‘yang kasama sa ating buhay kaya dobleng pag-iingat na lamang upang hindi tayo maging biktima ng cyber-intrusion.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments