ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 22, 2020
Dear Doc. Shane,
Bumababa ang aking timbang o namamayat ako pero malakas naman akong kumain at saka parang nagpa-palpitate pa ako. Ang sabi ng tiyahin ko ay baka raw sa goiter ko kasi malaki ito. Sana ay goiter lamang ito at hindi malubha. – Niña
Sagot
Sa hyperthyroidism, overactive ang thyroid at sobra ang produksiyon nito ng thyroid hormones.
Dahil dito, puwedeng magkaroon ng mga sintomas tulad ng mga sumusunod:
Biglang pagpayat kahit hindi naman nababawasan ang kain o minsan pa ay mas malakas pang kumain
Palaging kinakabahan o bugnutin o masungit
Pakiramdam na ang lakas, hindi regular o ang bilis ng tibok ng puso (palpitations)
Pawisin at madaling mainitan
Panginginig ng mga kamay o minsan ng buong katawan
Hindi regular ang regla
Mas malimit na pagdumi, minsan kahit kakakain pa lamang
Palaging pagod ang pakiramdam o madalas na nanghihina o pakiramdam na walang lakas sa pagkilos
Hindi makatulog
Pagnipis o paglagas ng buhok
Puwede ring malaki ang thyroid o may goiter
Hindi lahat ng mga sintomas ay natatagpuan sa taong may hyperthyroidism. Sa matatanda, ang mga sintomas ay hindi gaanong nararamdaman kung minsan, maliban sa pagpayat o madaling mainitan at mapagod.
May klase ng hyperthyroidism kung saan lumuluwa ang mga mata at ang tawag dito ay Graves’ disease. Ito ang malimit na tinatawag ng matatanda na goiter sa loob sapagkat hindi masyadong malaki ang leeg o walang goiter pero nakaluwa ang mga mata. Kung titingnan ang mga taong mayroon nito, para silang gulat o galit dahil sa hitsura ng kanilang mga mata.
Hindi nangangahulugan na kung may mga sintomas sa listahan na ito ay may hyperthyroidism na. Mas makabubuti na magpatingin sa doktor kung may pag-aalinlangan.
Comments