ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 12, 2021
Dear Doc. Shane,
Lately, napansin ko na may puting likido o nana na lumalabas sa aking utong. Single ako at wala pang asawa’t anak kaya parang imposible namang mabuntis ako. Natatakot pa akong magpa-checkup dahil baka cancer ito dahil nasa lahi namin ang magkaroon ng breast cancer. Ano ang ibang sintomas ng breast cancer? – Monique
Sagot
Ang mga sintomas ng breast cancer ay konektado sa epekto ng kanser sa suso. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Pagkakaroon ng bukol sa anumang bahagi ng suso
Pamamaga o paninigas ng anumang bahagi ng suso
Bukol o pamamaga sa may bandang kilikili
Pagbabago sa hugis o anyo ng suso
Hindi pantay ang magkabilang suso
Pagbabago sa hugis ng utong; paglubog ng utong
Pamumula sa anumang bahagi ng suso
‘Tulo’ na parang nana na lumalabas sa utong
Bukod dito, bilang cancer, may mga sintomas ang breast cancer na nakaaapekto sa buong katawan kabilang na ang mga sumusunod:
Pagbabawas ng timbang
Sinat o lagnat
Pakiramdam na palaging pagod
Kalimitan, alinman sa mga sintomas na ito ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng kanser. Subalit, mabuti na ang sigurado kaya makabubuting ipatingin agad siya sa doktor lalo na at nasa lahi kamo ang breast cancer.
Comments