ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 24, 2020
Dear Doc. Shane
Diabetic ang aking nanay sa edad na 60. Sinabihan siya ng kanyang doktor na i-monitor ang kanyang dugo kahit nasa bahay at pinabibili siya ng pang-test ng blood sugar para ma-check niya ito. Bakit ba kailangan pa ‘yun kung may maintenance naman siya at nagpapa-examine naman kada tatlong buwan? Noong huling check-up niya ay pinagamit siya ng insulin para mas madali raw mapababa ang kanyang sugar kaya naka-insulin siya ngayon kasabay ng mga tableta niya para sa diabetes. – Ambeth
Sagot
Ang glucometer o glucose meter ay maliit na makina na pangsukat ng asukal sa dugo. May kasama itong lancing device na parang ballpen ang hitsura na may karayom na pantusok sa daliri para makakuha ng isang patak ng dugo. Ang patak ng dugo ay inilalagay sa strip na nilalagay naman sa glucometer para basahin kung ano ang level ng asukal sa dugo. Ang glucometer ay ginagamit ng mga taong may diabetes para masubaybayan ang kanilang asukal sa dugo sa bahay.
Sino ang dapat gumamit ng glucometer? Ni-required na mag-self-monitor ng asukal sa dugo ang mga sumusunod:
May diabetes na gumagamit ng insulin.
May diabetes at umiinom ng tableta na puwedeng sumobrang baba ang asukal sa dugo (hypoglycemia).
Puwede ring mag-check ng asukal sa dugo kung may sintomas ng pagkahilo, pagsakit ng ulo, panghihina, pagpapawis nang malamig o iba pang senyales na bumabagsak ang asukal sa dugo. Kung bumabagsak ang asukal sa dugo sa madaling-araw, paminsan-minsan ay mag-check din nang alas-dos o alas-tres ng umaga. Kung magmamaneho ay dapat mag-check muna ng asukal sa dugo lalo na kung malimit bumabagsak ang asukal sa dugo.
Nag-insulin injection at umiinom din ng tableta para sa diabetes na may mataas na HbA1c (hindi kontrolado ang diabetes): Mag-check ng asukal sa dugo nang dalawang beses sa isang araw o higit pa. Ang puwedeng mga oras ng pag-check ay bago kumain at dalawang oras pagkatapos kumain.
Pasyenteng kontrolado ang diabetes, kailangan mag-check ng asukal sa dugo isa o dalawang beses sa isang linggo. Ang mainam na oras sa pag-check ay bago kumain, dalawang oras pagkatapos kumain at bago matulog.
Lahat ng may diabetes kung may sakit o mag-eehersisyo o habang naglalakbay: Mag-check ng asukal sa dugo tatlong beses sa isang araw.
Magtanong sa inyong doktor kung kailangan ba ninyong gumamit ng glucometer. Magtanong din kung ano ang mga numerong dapat makita sa glucometer. Depende ito sa target na ise-set ng doktor.
Comments