ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 18, 2020
Dear Doc. Shane,
Kapag ba nakagat ng aso kahit mukhang malinis naman ito at hindi gala, posible bang magka-rabies pa rin? At kung nakalmot ba ng pusa ay puwede ring magka-rabies? – James
Sagot
Ang rabies ay nakamamatay na sakit na dulot ng impeksiyon ng rabies virus. Ito ay nakukuha mula sa laway ng hayop na kadalasang naipapasa sa kagat. Pangunahing naaapektuhan nito ang utak at iba pang bahagi ng central nervous system.
Ang rabies virus ay maaaring maipasa mula sa laway papunta sa sugat na nakuha mula sa kagat. Sa paghahalo ng laway sa dugo ng tao nagsisimula ang impeksiyon na kalaunan ay nakaaapekto sa utak ng tao. Ngunit, bukod sa aso ay maaari ring makuha ang virus sa iba pang hayop, kabilang ang pusa, daga at mga alagang hayop sa bukirin tulad ng baboy, kabayo at baka.
Sino ang maaaring maapektuhan ng rabies?
Ang lahat ng tao sa kahit na anong edad o kasarian ay maaaring maapektuhan ng rabies virus basta sila ay nakagat ng aso o kahit na anong hayop na may rabies virus. Bagama’t pinakamataas ang mga kaso nito sa kabataan.
Kung makalmot ba ng pusa,puwede ring magka-rabies?
Ito ay kadalasang nangyayari lamang sa pagkakakagat ng hayop. Ang kalmot ay hindi itinuturing na dahilan ng pagkakaroon ng impeksiyon ng virus, bagaman, mayroon pa ring maliit na posibilidad na magdulot ito ng impeksiyon. Impeksiyong tetano ang mas maaaring makuha mula sa kalmot ng pusa.
Comments