top of page
Search
BULGAR

Babala sa mga hina-high blood!

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 23, 2022




Sa pagsasaliksik ng mga scientists, tatlo ang nakita nilang longevity pathways na tumutulong sa ating katawan upang labanan ang pagtanda at mga kaakibat nitong sakit at paghina ng katawan. Ang tatlong pathways ay ang mTOR, AMPK at ang mga SIRTUINS. Ano ang mga kinakailangan nating gawin upang ma-activate ang mga pathways na ito? Sa nakaraang mga artikulo ay pinag-usapan na natin ang mga paraan upang ma-activate ang mga longevity pathways. Binanggit natin ang pagkain ng low calorie. May iba’t ibang pamamaraan upang magawa ito, tulad ng pagbabawas ng mga kinakain at intermittent fasting.


Ang pangalawang paraan ay ang pagkain ng low amino acid diet o ang pagbabawas ng pagkain ng protina, lalo na ang protina galing sa red meat.


Ang pangatlong paraan upang ma-activate ang longevity pathways na binanggit ay ang pag-e-exercise. Ayon sa mga pananaliksik, maa-activate na ang mga longevity pathways kung mag-e-exercise ng 15-minutes araw-araw.


May maaari pa ba tayong gawin upang mapahaba ang ating buhay, ayon sa mga longevity scientists? Ayon kay Harvard scientist Dr. David Sinclair, may mga “molecules” na maaari nating inumin upang ma-activate ang mga longevity pathways. Ang mga ito ay ang rapamycin, metformin, resveratrol at NAD boosters. Bukod sa metformin na nauna na nating tinalakay ay pag-uusapan natin ang bawat isa sa mga susunod na artikulo.


***


Noong isang araw ay nakatanggap tayo ng e-mail mula sa isang tagasubaybay ng Sabi ni Doc column. Ayon kay ginoong Rudy Ruiz, siya ay ilang taon nang umiinom ng metformin, isa sa mga “molecules” na ayon kay Dr. David Sinclair ay nagpapahaba ng buhay sa pamamagitan ng pag-activate nito ng longevity pathways.


Sa kanyang e-mail ay humiling din si Kuya Rudy na talakayin natin ang high blood pressure at mga kaparaanan upang ito ay ma-control at mapababa. Bilang pagbibigay sa kanyang kahilingan ay talakayin natin ito.


Ang high blood pressure ay tinatawag din na “hypertension”. Kadalasan itong nakikita sa mga nagkakaedad. Habang tayo’y tumatanda, nagkakaroon ng pagbabago sa ating vascular system at unti-unting tumitigas ang ating mga arteries dahilan ng pagtaas ng blood pressure.


Tinawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil madalas itong walang mga sintomas at maaaring hindi natin alam na tayo’y may hypertension na. Kung hindi mako-control o mapapababa ang blood pressure ay maaring magdulot ito ng iba’t ibang sakit tulad ng sakit sa bato (kidney), sakit sa puso, sakit sa mata at dementia.


Ang normal na blood pressure sa mga adults ay 120 (systolic) over 80 (diastolic) o mas mababa rito. Ito ay considered “elevated” blood pressure kung ang systolic blood pressure ay nasa 120 hanggang 129, at mababa sa 80 ang diastolic blood pressure. Magiging “high” blood pressure naman ito kung ang systolic blood pressure ay 130 o higit pa o kaya’y 80 o higit pa ang diastolic blood pressure.


Ano ang maaaring gawin kung may elevated o kaya high blood pressure? May mga paraan upang mapababa ang blood pressure, tulad ng exercise, pagbabago ng diet at mga gamot. Ayon sa mga eksperto sa hypertension, may mga pagbabago sa ating lifestyle na maaaring gawin upang mapababa ang blood pressure — ang pagbabawas ng timbang kung overweight; ang pag-e-exercise ng at least 150 minutes sa isang linggo; kumain ng pagkain na mayaman sa gulay, prutas, grains at protina; bawasan ang pagkain ng maalat at bawasan din ang iniinom na alak; at kinakailangan din na huminto sa paninigarilyo.


Ang pagtulog na sapat, mula 7 hanggang 8 oras ay nagpapababa ng blood pressure. Makatutulong din ang mga kaparaanan upang ma-reduce ang stress.


Ipagpapatuloy natin ang talakayan sa high blood pressure sa susunod na artikulo.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page