top of page
Search
BULGAR

Babala sa mga first time mom na iniiwan ang baby na dumede mag-isa o bottle propping!

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 2, 2020




Dear Doc. Shane,

Ako ay first time mom sa edad na 20 at nag-breast feed ako hanggang 4 months lang dahil wala akong gatas. Palagi akong napagsasabihang ‘wag hayaang makatulugan ng anak ko ang bote sa bibig niya na kadalasan ay ipinapatong ko lang sa unan sa tabi niya lalo na kapag may ginagawa ako. Masama raw ito na puwede niyang ikamatay o magkaroon ng impeksiyon sa tainga? – Annie

Sagot

Ang tawag dito ay “bottle propping” at may ilang magulang na nakagawa na nito nang walang kaalaman kung gaano ito kadelikado.

Isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng pagiging magulang ay ang pagpapadede kay baby —breastfeeding man o formula feeding. Marami itong kaakibat na hamon, tulad ng pagkakaroon ng mababang milk supply o ang hirap sa paghahanap ng hiyang na formula milk kay baby.

Bukod sa mga nabanggit, may mga delikado ring aspeto sa pagpapasuso. Isa na riyan ang tinatawag na “bottle propping”.

Nasubukan mo na bang ipatong ang feeding bottle ni baby sa unan o kumot para makadede siya habang may ginagawa ka? Ito ang tinatawag na bottle propping. Malimit na ginagawa ito sa mga batang wala pang kakayahang humawak sa kanilang feeding bottle.

Bakit delikado ang bottle propping?

Kung hindi pa kayang hawakan ng baby mo ang kanyang feeding bottle, ibig sabihin ay hindi niya rin ito matatanggal kung nalulunod na siya sa gatas. Halimbawa, nito ay kapag nakatulog ang iyong anak.

Malimit din, kung nag-bottle prop ka, ibig sabihi’y hindi ka nakatingin sa anak mo. Hindi mo maaalis ang bote kung sakaling mag-choke siya nito.

Kailanman ay hindi mo dapat gawin ang bottle propping. Bukod sa nililimitahan o inaalis ng bottle propping ang pagkakataon na maka-bonding sa anak mo, delikado ito dahil posibleng magkaroon siya ng ear infection.

Nagkakaroon ng ear infection kapag pinapadede ang iyong baby nang nakahiga. Dumadaloy kasi ang gatas mula sa lalamunan papunta sa tainga.

Samantala, maaari ring maging sanhi ng tooth decay ang bottle propping. Maaaring maipon at mababad sa gatas ang mga ngipin ng bata.

Bukod pa riyan, puwedeng ma-overfeed ang bata kung ganito ang style ng pagpapadede sa kanya. Hindi kasi nakikita ang mga hunger cues ng baby, kaya maaaring mas marami siyang mainom kaysa sa kailangan niya.

Gaanuman nakakatukso na iwan saglit ang bata habang dumedede siya, lalo na kung ihing-ihi na, mas maganda at mas ligtas kung hindi ito gagawin. Kung kailangang umalis sandali, ihinto muna ang pagpapadede o tumawag ng hahalili sa ‘yo.

Bukod pa sa ‘yo, kailangang alam din ito ng bawat miyembro ng inyong pamilya. Mainam ito para masigurong walang mangyayaring masama kay baby habang dumedede siya.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page