ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 14, 2020
Dear Doc. Shane
Ako ay edad 47 at problema ko ay madalas akong binabalisawsaw. Nababahala rin ako na baka ito ay dahil sa impeksiyon. Ano ang dapat kong gawin? Ang hirap kasi na maya’t maya ay kailangan kong pumunta sa CR. – Remy
Sagot
Ang urinary tract infection o UTI ang isa sa mga pangunahing sanhi ng balisawsaw o hirap sa pag-ihi. Ang impeksiyong ito ay maaaring nasa alinman sa mga bahagi ng urinary tract tulad ng:
Kidney (bato)
Ureter (mga tubo na daanan ng ihi mula sa bato hanggang sa pantog)
Bladder (pantog)
Urethra (tubo na daanan ng ihi mula sa patog palabas ng katawan)
Ang urinary tract infection ay karaniwang sanhi ng bakterya na nakakapasok sa daanan ng ihi.
Mga salik na maaaring magpataas ng posibilidad na magkaroon ng UTI:
Mayroong diabetes
Nagkakaedad na
Lumalaki ang prostate
Bato sa bato
Kung nagdadalangtao
Kung naka-catheter
Narito ang ilan sa mga sintomas ng UTI:
Lagnat
Mabaho o matapang na amoy ng ihi
Malabo o ihi na may kasamang dugo
Madalas na pag-ihi o pakiramdam ng masidhing kagustuhan na umihi
May mga pagkakataong ang balisawsaw ay dulot ng biglaang pagbaba ng tubig at likido sa katawan bunga ng matinding init ng panahon at fatigue. Ang pag-inom ng maraming tubig ay makatutulong para maibsan ang balisawsaw.
Narito ang ilan sa mga paraan upang maiwasan ang balisawsaw:
Pagkakaroon ng sapat na pahinga
Pag-inom ng 10 baso ng tubig o mahigit pa, araw-araw
Pag-iwas sa maaalat na pagkain
Makatutulong ang pag-inom ng buko juice
Mas mainam kung magpa-check ka ng ihi (urinalysis)
Comments