ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 11, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay biyudo sa edad na 51. Gusto ko sanang malaman kung ano ang mga sintomas ng lalaking may problema sa prostate? Lately ay nakararanas ako ng madalas na pag-ihi lalo na sa gabi pero wala naman akong diabetes. – Fifth
Sagot
Ang prostate gland ay organo na kasinglaki ng kastanyas at ito ay nakabalot sa daanan ng ihi ng lalaki o urethra. Nagkakaroon ng bahagyang paglaki ng prostate (benign prostate hypertrophy) ang karamihan sa mga lalaking may edad na 45 pataas.
At ito ay dahil sa pagbabago sa hormones kapag ang lalaki ay nagkakaedad na.
Narito ang ilang sintomas ng lumalaking prostate:
Madalas na pag-ihi at paunti-unti ang inilalabas
Humihina ang daloy ng ihi at parang hindi kumpleto ang pag-ihi
Sa mga nagkakaedad na, madalas silang gumising sa gabi para umihi
Paano natin maaalagaan ang ating prostate?
Hindi tayo dapat nagpipigil ng pag-ihi, dahil mahihirapan ang pantog at bato
Uminom ng 8 basong tubig, araw-araw
Ang pag-inom ng green tea ay mas mainam kaysa sa kape, maganda itong panlaban sa cancer at nagtatanggal ng toxins sa katawan
Kumain ng mas maraming isda, gulay at mga prutas
Iwasan ang matataba at matatamis na pagkain.
Iwasan ang softdrinks, iced tea at cakes
Umiwas sa alak at kape dahil nakaiirita ito ng prostate
Comments