ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 19, 2023
Hindi na bago sa ating pandinig ang pagkakaroon ng masasamang epekto ng sobrang pag-inom ng alak. Sa totoo lang, hindi na mabilang ang namamatay dahil sa karamdamang dulot nito.
May mga napapabalita ring namamatay dahil sa mga aksidente na may koneksyon pa rin sa alak.
Ngunit kung ang inaakala niyong sakit sa atay at aksidente lamang ang masamang naidudulot ng alak, nagkakamali kayo dahil kung susumahin, aabot sa mahigit 60 uri ng sakit ang maaring makuha sa labis na pag-inom ng alak.
Narito ang ilan sa mga karamdaman na posibleng makuha mula sa sobrang pag-inom ng alak.
1. ANEMIA. Ang labis na pag-inom ng alak ay maaaring makaapekto sa ating dugo. At kung magpapatuloy, maaari itong humantong sa sakit na anemia, kung saan bumababa ang level ng oxygen sa dugo, lalo na kung madalas ang pag-inom ng alak.
2. CARDIOVASCULAR DISEASE. Kung ikaw ay palaging umiinom ng alak, posible ka ring magkaroon ng sakit sa daluyan ng dugo (cardiovascular). Kabilang sa mga sakit na tinutukoy dito ay stroke at atake sa puso na parehong nakamamatay. Ang labis na pag-inom ng alak ay nakakaapekto sa dugo na kung magpapatuloy ay maaaring humantong sa pamumuo.
3. SAKIT SA ATAY. Ito ang pinakakilalang sakit na maaring makuha ng mga taong pala-inom, ito ay ang pagkasira ng atay o cirrhosis. Ang malalang kondisyon ng cirrhosis ay hindi na malulunasan ng gamot, kinakailangan na nitong mapalitan ang nasirang atay sa pamamagitan ng transplantasyon.
4. PAGKALIMOT. Ang talas ng pag-iisip ay natural na nababawasan sa pagtanda ng bawat tao. Ngunit ang taong madalas uminom ng alak ay doble o triple ang bilis ng pagkasira ng mga cells sa utak, kaya mapapaaga ang kanilang pagiging malilimutin.
5. NERVE DAMAGE. Apektado rin ng alak ang mga nerves sa ilang bahagi ng ating katawan. Tinatawag na alcoholic neuropathy ang kondisyon na pagkasirang ito. Dahil dito, maaaring dumanas ng pamamanhid ng ilang bahagi ng ating katawan.
6. ALTAPRESYON. Tinatawag na altapresyon o high blood pressure ang kondisyon ng pagpataas ng presyon ng dugo. Matataas ang chance na ma-stroke at atakihin sa puso ang mga dumadanas ng altapresyon.
7. PAGKASIRA NG PANCREAS (PANCREATITIS). Hindi lamang ang tiyan at atay ang apektado ng tuluy-tuloy na pag-inom ng alak. Maging ang pancreas ay nanghihina rin. Kung masisira ang pancreas, maaari tayong makaranas ng pananakit ng tiyan at pagtatae.
Ilan lamang ito sa mga sakit na nakukuha sa labis na pag-inom ng alak. Oh, alam niyo na mga beshie, ha! Oks lang naman na uminom, basta ‘wag magpapasobra upang ‘di maapektuhan ang ating kalusugan.
Okie?
Comments