ni Zel Fernandez | May 2, 2022
Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga residente ng 6 na baybayin sa bansa, kasunod ng pinangangambahang lason mula sa mga laman-dagat.
Batay sa inilabas na Shellfish Bulletin #8 ng BFAR, ipinatutupad ang shellfish ban matapos magpositibo sa red tide toxin ang ilang mga baybayin kabilang ang Bolinao sa Pangasinan; Milagros sa Masbate; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Litalit Bay sa San Benito, Surigao del Norte at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Kaugnay nito, nagpaalala ang BFAR na mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta at pagkain ng mga laman-dagat sa mga nasabing lugar dahil sa matinding panganib nito sa kalusugan dulot ng Paralytic Shellfish Poison (PSP) na isang red tide toxin.
Gayunman, nilinaw ng BFAR na maaari pa rin umanong kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango ngunit kailangang tiyakin na ang mga ito ay sariwa, hinugasan at nilinis nang mabuti, at tinanggalan ng mga laman-loob bago lutuin at ihain.
Comments