ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 30, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Maritess na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Narito ang panaginip ko na nais kong bigyan n’yo ng kahulugan. ‘Yung una, umuwi ang mister ko at umiiyak, tapos gusto na niyang bumalik sa amin at biglang nagsaya ang mga kapatid at magulang niya. Hiwalay na kami at may bago na siyang pamilya.
Noong sumunod na araw, nanaginip naman ako na may nalaglag na kuto at garapata sa ulo ko, at pangatlong gabi naman, nanaginip ako na ikakasal ako at nakasuot ako ng puting gown at belo, na hindi naman nakatakip sa mukha ko. Tapos ‘yung mister ko ang maghahatid sa akin sa altar, pero hindi ko nakita sa simbahan ang ex-mister at groom ko dahil puro mga kaibigan at pamilya lang ang nakita ko roon. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?
Naghihintay,
Maritess
Sa iyo, Maritess,
Ang una mong panaginip na umuwi sa inyo ang mister mo at iyak siya nang iyak ay nagsasabi na hindi siya masaya sa kanyang bagong pamilya.
Dahil dito, makikitang kahit hiwalay na kayo ay mahal mo pa rin siya, pero hindi ito nangangahulugan na anumang araw ay magkakabalikan kayo kahit ang mga kapamilya niya ay hangad na muling mabuo ang iyong pamilya.
Ang panaginip mo na nalaglag ang kuto at garapata mula sa ulo mo ay nagbababala na puwede kang magkasakit, pero ‘wag kang mag-alala dahil kusa ka rin namang gagaling matapos mong magkasakit.
Ang ikatlong panaginip mo na ikakasal ka ay nagbabalitang magkakaroon ka ng bagong kapalaran kung saan liligaya ka na. Hindi tulad ngayon na nagkukunwari ka lang na masaya, pero deep inside ay sobrang lungkot mo.
Dahil dito, dapat mong malaman na kapag nagpapalit ang mga panahon, ang mga tao ay sinasalubong ang pagdating ng Bagong Taon tulad ngayon, kaya ang payo para sa iyo ay “Let’s celebrate life”.
At dahil ilang araw na lang bago ang 2021, mas magandang maghanda ka sa New Year, kahit hindi bongga dahil ang mahalaga lang naman ay alam mong magkakaroon ka ng bagong kapalaran na muli ay mapupuno ka ng ligaya.
Huwag mo ring kalilimutan na bumili ng bagong damit o personal na gamit, hindi rin mahalaga kung mura lang dahil ang importante ay nakasuot ng bagong gamit, na sumisimbolo rin ng bagong buhay.
Pero higit sa lahat, ang pinakaimportante na payo ay ang usung-usong sinasabi ng mga millennial na “Move forward, so that you will have ay happy life!”
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments