top of page
Search

Babala kung may nakakapang bukol sa leeg!

BULGAR

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 14, 2021





Dear Doc. Shane,


Mayroon akong nakakapang bukol sa aking leeg na parang thyroid. Madali rin akong hingalin o mapagod kaya nangangamba ako na baka dahil ito sa nakapa kong bukol sa aking leeg. Dati ay parang maliit lang ito pero ngayon ay mukhang lumaki na ito. Ano bang laboratory test ang dapat kong ipagawa para malaman kung ano ito? – Marife


Sagot


Kapag nagpa-checkup para sa thyroid ay titingnan at hahawakan ng doktor ang inyong leeg. Palulunukin ka niya habang ineeksamin ang leeg dahil ang thyroid gland ay umaakyat-baba kapag lumulunok. Kung may bukol sa leeg na nasa loob ng thyroid, ito rin ay aakyat at baba sa paglunok. Kung hindi gumagalaw ang bukol sa leeg sa paglunok, malamang nasa labas ito ng thyroid gland.


Ano ang mga lab test na puwedeng ipagawa ng doktor?


THYROID FUNCTION TESTS T3, T4, TSH. Puwede ring free T3, free T4 o FT3, FT4. Ang T3 ay short for triiodothyronine. Ang T4 ay short for thyroxine. At ang ibig sabihin ng TSH ay thyroid stimulating hormone. Sa pamamagitan ng blood tests na ito ay malalaman kung sobra, kulang o tama lang ang produksiyon ng thyroid hormones sa katawan.


Ultrasound. Sound waves lang ang gamit dito para makita ang hugis at laki ng thyroid gland. Dito malalaman kung may bukol sa thyroid gland. Sa pamamagitan ng ultrasound ay makikita kung ang bukol ay cyst (bukol na tubig lamang ang laman), solid (laman) o complex (magkahalong tubig at laman). Nasusukat din ang laki ng bukol (thyroid nodule) para masabi kung kailangan bang i-biopsy ang bukol. Makikita rin sa ultrasound ang ibang mga senyales na baka cancerous ang bukol pero ang biopsy lamang at hindi ang ultrasound ang makapagpapatunay dito.


FNAB. Short for fine needle aspiration biopsy. Isang pinong karayom ang ginagamit para kumuha ng kaunting laman mula sa bukol para malaman kung ito ay cancerous o hindi. Hindi na kailangan ng anesthesia kasi kahalintulad ito ng pagkuha ng dugo ‘yun nga lang sa leeg ang tusok kung nasaan ang bukol. Kadalasan ang bukol ay nakikita o nasasalat kaya madali itong matusok. Kung ang bukol ay hindi gaanong nakakapa o kung may tubig na laman, minsan ay gumagamit ng ultrasound para matusok at makuhanan ng sample ang laman na bahagi (solid) ng bukol para maging mas accurate ang resulta ng biopsy. Mas mahal ang FNAB kapag ito ay ultrasound-guided. Pathologist ang magbabasa ng biopsy. Ang gumagawa naman ng biopsy ay puwedeng isang endocrinologist, siruhano, radiologist o pathologist din.


THYROID SCAN. Kung ang TSH ay hindi normal, puwedeng magpagawa ng thyroid scan ang doktor. May iniiniksiyon na kemikal para mas makitang mabuti ang thyroid. Kung ang ultrasound ay nagsasalarawan kung ano ang hitsura (anatomy) ng thyroid, ang scan naman ay functional picture. Umiilaw o lumalabas sa scan ang mga bahagi ng thyroid na gumagana at hindi naman umiilaw o hindi lumalabas sa scan picture ang mga bahagi ng thyroid na hindi gumagana.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page