ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 16, 2020
Dear Doc. Shane,
Totoo ba na namamana ang ovarian cancer? Ito kasi ang ikinamatay ng aking nanay kaya nangangamba ako na baka magkasakit din ako nito. – Aida
Sagot
Ang kanser sa obaryo o ovarian cancer ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga bukol o tumor sa isa o parehong obaryo ng mga babae. Ang obaryo ay ang bahagi ng reproductive system ng babae na gumagawa ng mga itlog. Bukod sa mga obaryo, maaari ring kumalat ang mga cancer cell sa mga kalapit-bahagi nito tulad ng fallopian tube at uterus (matris o bahay-bata). Kung maaapektuhan ang mga bahaging ito, maaaring maapektuhan ang kakayanan ng babae na magkaroon ng anak.
Sa mga unang yugto ng kanser sa obaryo, wala gaanong nararanasang mga sintomas ang pasyente. Subalit sa pagdami ng mga cancer cell, maaari siyang makaranas ng paglaki o pamamaga ng tiyan, pananakit ng mga balakang, palagiang pag-ihi, pagtitibi, mabilis na pagkabusog, pagbaba ng timbang at iba pa.
Ang pagkakaroon ng hindi malusog na pamumuhay ay maaari ring magdulot ng kanser sa obaryo. Kung ang babae ay labis-labis kung kumain o naninigarilyo, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito.
Maaari namang gumaling sa kondisyong ito kung matutukoy at malulunasan ito agad habang maaga pa. Upang malunasan ang ovarian cancer, maaaring sumailalim ang pasyente sa operasyon, sa chemotherapy at iba pang mga pamamaraan.
Ang ovarian cancer ang pinakalaganap na uri ng kanser na nakaaapekto sa kababaihang sumapit na sa menopause. Karaniwang nada-diagnose na may kanser sa obaryo ang matatandang kababaihan pagsapit nila sa pagitan ng mga edad 60 at 64.
Mga sanhi:
Namanang kondisyon sa pamilya. Kung ang ina ay may kanser sa obaryo, maaari itong mamana ng mga anak na babae.
Pagkakaroon ng labis na timbang. Maaari ring magkaroon ng kanser sa obaryo kapag overweight o mayroong labis na timbang.
Bukod sa kanser sa baga, maaari ring magdulot ng ovarian cancer ang paninigarilyo.
Comments