ni Jasmin Joy Evangelista | November 11, 2021
Isang babae sa Caloocan City ang tinekitan ng pulis pero wala pang multa dahil sa paglalakad umano niya sa kalsada nang naka-shorts, na labag daw sa ordinansa ng lungsod.
Batay sa report, sinabing sa social media naglabas ng saloobin ang babae na itinago sa pangalang "Carmina."
Ayon kay Carmina, magde-deliver sana siya ng produkto nang sitahin siya ng pulis at tiketan.
Warning pa lang ang tiket at wala pang multa dahil unang paglabag pa lang naman daw ito ng babae.
“Akala ko po tungkol po sa mask yung nilapit niya sa akin kasi po hawak ko po yung mask ko noon. Ang sabi niya po yung maikling short daw titiketan daw po niya ako. Tapos sabi ko paano po yun sir hindi ko po alam na bawal ang maiksing short,” kuwento ni Carmina.
“Halos lahat naman po talaga naka-short na po eh sabi nga po ng matatanda doon paano naman kami nagso-short din huhulihin din ba nila matanda na kami,” dagdag niya.
Base sa city ordinance na ipinasa noong 2007, nagtakda ng "dress code in public places" ang lungsod, kung saan inaatasan ang publiko na magsuot ng tamang damit sa mga pampublikong lugar.
Kabilang sa nasabing ordinansa ang pagtatakda sa mga nagtitinda sa palengke na bawal ang nakahubad, at naka-short, sando o sleeveless o sira-sirang damit.
Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, paiimbestigahan niya ang insidente.
Comentários