ni Bey Ong - @What's In, Ka-Bulgar | June 29, 2020
![](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_9eb0f3a5996449ac9c85e0bd46f05aa1~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2fdd27_9eb0f3a5996449ac9c85e0bd46f05aa1~mv2.jpg)
Sa lilim minsa'y ikinubli,
ang kakayahan ay iginapos,
ang kagalingan ay bilanggo,
ang tapang ay may siklab.
May dagaang ang layunin,
may apoy na lumiliyab
na nagsisilbing tanglaw,
sa daang hitik sa mga ganid,
mapang-api at abusado
may titindig na bagong lakas.
Ikaw! Oo.
Na minsang binaliw ng kahirapan.
Na minsang aliping bayad-utang.
Na minsan hatid ay sayang panandalian.
Na karapatan ay niyuyurakan.
Hindi ito ang para sa ‘yo.
Ikaw ay hiyas.
Na ang kinang ay mababanaag
sa pusikit na landasin.
Ikaw ay ‘di bagay na paglaruan sa dagat ng buhay.
Hindi ka isang karaniwan.
Babae ka!
Hindi babae lang.
Babaeng angkin ang talino,
kagalingan, tapang,
at kakayahang abot sa kalawakan.
Oo, kaya mong maglayag tulad ng mga Adan.
Kaya mong sumisid sa lalim ng karagatan,
ang isipan mo ay may lalim,
may banta ang iyong kakayahan,
may bangis ang tatas ng iyong dila.
Oo, babae ka!
Na ang tungkulin ay hindi lamang magluwal ng sanggol
at mag-aruga ng mga anak.
Babae ka at batid ko, higit ang kaya mong isilang.
Kaya mong tapatan
at higitan ang mga mapang-alipusta
na sumira sa iyong kinabukasan.
Ang mga taong nagwasak sa iyong pagkatao.
Babae Ka.
Huwag mong payagang muli kang sakupin
ng mapaniil na puwersa
na siyang maghahatid sa hukay ng iyong pagkabilanggo
sa takot at pangamba.
Lumaban ka!
Tapos na ang mahabang gabi ng iyong pananahimik.
Humiyaw ka!
Gisingin mo ang mga gising na tulog at bulag sa katotohanan.
Babae ka!
Kailangan ka ng bayan.
Kailangan ka ng lipunang sinisira ng iilang Adan.
Babae ka.
Hindi na babae lang.
Babaeng taglay ang tapang.
Comments