ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 23, 2021
Nabunot ang Pilipinas sa Grupo A sa 2020 ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup na ginanap noong Martes ng hapon online. Matapos ang halos 2 taong paghihintay at ilang beses na ipinagpaliban, matutuloy na ang torneo sa Dis. 5, 2021 hanggang Enero 1, 2022.
Sasamahan ng Azkals sa grupo ng Thailand, Myanmar, Singapore at ang magwawagi sa playoff sa pagitan ng Brunei at Timor Leste. Binubuo ang Grupo B ng defending champion Vietnam, Malaysia, Indonesia, Cambodia at Laos.
Dahil sa pandemya, hindi muna iikot ang mga laro sa mga kalahok na bansa tulad noong dati. Sa halip, gagawin ang torneo sa isang lugar lang. Nag-alok na ng kanilang kahandaan na magsilbing punong abala ang Thailand, Singapore at Cambodia. Ihahayag sa linggo ng AFF ang kanilang mapipiling bansa.
Bubuksan ng Azkals ang kampanya sa Disyembre 8 laban sa Singapore. Susundan ito ng mga laro kontra Brunei o Timor Leste (Disyembre 11), Thailand (Disyembre 14) at Myanmar (Disyembre 18). Hati si Coach Scott Cooper sa resulta ng bunutan. “Thailand is the strongest team in the group, Singapore is always well organized, Myanmar has got talent and Timor Leste and Brunei will always fight so we should not take any team lightly,” wika ni Coach Cooper.
Sisikapin ng Azkals na makuha ang makasaysayang unang kampeonato ng Pilipinas. Simula 2010, palaging pasok ang Pilipinas sa semifinals maliban noong 2016 subalit lagi silang nabibitin.
Samantala, sasabak ang Under-23 Azkals sa qualifiers para sa 2022 AFC Under-23 Asian Cup simula ngayong Oktubre 27 hanggang 31 sa Singapore. Haharapin ng mga Pinoy ang Timog Korea, Timor Leste at punong abala Singapore para sa isang tiket sa Grupo H.
Karamihan ng mga manlalaro ay kukunin mula sa Azkals Development Team sa Philippines Football League (PFL). Ang 2022 AFC Under-23 Asian Cup ay gaganapin sa susunod na Hunyo sa Uzbekistan.
Comments