@Editorial | April 2, 2023
Nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, tiyak gagawa na naman ng eksena para mabahiran ito ng pamumulitika at fake news.
Tulad ng usapin kamakailan na kumukuwestiyon sa ilang local government units (LGUs) na nagbabawal umano na makakuha ng benepisyo ang mga senior citizens na hindi rehistradong botante.
Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi kailangang magrehistro ng senior bilang botante para makatanggap ng mga benepisyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng Republic Act 7432 na inamyendahan ng RA 9257 at 9994, nakasaad na ang mga Pilipino na edad 60 pataas ay entitled na makatanggap ng 20% diskuwento sa mga bilihin at serbisyo mula sa lahat ng mga establisimyento.
Entitled din ang mga senior sa assistance mula sa gobyerno pagdating sa employment, edukasyon, kalusugan, social services, programang pabahay, access sa pampublikong transportasyon, insentibo para sa social care at social pension.
Ginawa ng ahensya ang pahayag kasabay ng inilabas na Memorandum Circular 2023-045 na nagbibigay-diin sa mga benepisyo na dapat matanggap ng mga senior citizen kahit na hindi sila botante.
Kailangan lamang na magsumite ng katibayan na residente sa naturang lokal na pamahalaan, barangay certification, at anumang valid government ID na may nakalagay na address para ma-claim ang mga nabanggit na benepisyo.
Malinaw ‘yan, lahat ng senior citizen, botante man o hindi ay may karapatan sa ayuda mula sa gobyerno.
Sa mga nagpapakalat ng fake news at namumulitika, tigilan n’yo!
Comments