ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 20, 2021
Pinalawig ang distribusyon ng cash aid o ayuda sa NCR Plus hanggang sa Mayo 15, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Noong March 29 hanggang April 11, isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal at 15 araw ang orihinal na target upang maipamahagi ang mga ayuda kung saan hanggang 4 na miyembro ng pamilya ang maaaring tumanggap ng P1,000 cash aid bawat isa.
Ayon naman kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, hindi na muling ie-extend pa ang distribusyon ng mga ayuda.
Inaprubahan nina Interior Secretary Eduardo Año, Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpapalawig nito sa isinagawang pagpupulong kasama ang lahat ng NCR mayors at si Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Benhur Abalos noong Linggo.
Saad ni Malaya, “It is very challenging to do distribution during a pandemic. Our LGUs cannot go full blast given the grave threat of COVID-19 so their request for more time is justified.”
Samantala, ayon sa DILG, ang top 5 LGUs na may highest distribution rate sa NCR ay ang Mandaluyong City na may 74.32% (P270.9 million), San Juan City na may 63.78% (P98.42 million), Caloocan City na may 63.46% (P848 million), Manila na may 60% (P915.7 million) at Quezon City na may 59.77% (P1.483 billion).
Comentarii