ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 1, 2021
Anim na taon na ang nagdaan mula nang mangyari ang Mamasapano tragedy noong January 2015 kung saan 44 na Special Action Force commandos ang namatay sa engkuwentro kontra mga rebelde. Pero hanggang ngayon, marami pa ring hinaing ang mga naulila nilang pamilya.
Nakadidismaya dahil hustisya pa rin ang panawagan ng mga naiwan ng SAF44 na ginawaran ng natatanging Medal of Valor, Order of Lapu Lapu, noong April 2018 ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang kanilang pagkasawi ay bunsod ng operasyon para matimbog ang mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alias Marwan at Basit Usman.
Super-worried tayo sa lagay ng mga naiwang pamilya ng magigiting na mga pulis. Hanggang kailan kaya sila maghihintay para maibigay sa kanila ang lahat ng benepisyo?
IMEEsolusyon para sa mga naulilang pamilya, huwag na sanang patagalin pa ang proseso. Hindi na dapat pa maging atrasado ang tulong-pinansiyal sa kanila. Kung tutuusin, dapat ilang buwan lang mula nang mangyari ang trahedya, ASAP sanang naigawad ang mga kaakibat na benefits.
Kabilang ang monthly gratuity na itinaas sa P75, 000 mula sa P20, 000, at libreng education at medical services sa mga dependents. Bukod pa rito ang pagbibigay sa kanila ng prayoridad sa iba’t ibang programa ng pamahalaan tulad ng diskuwento sa ilang mga establisimyento at sa transportasyon o pagbibiyahe.
Napakapersonal ng isyung ito dahil marami sa SAF44 ay mga taga-Norte at kabilang sa mga indigenous communities. Marami sa kanila ay pumapasok sa pagka-pulis dahil sa kahirapan, huwag naman sana natin ipagkait ang mga benepisyong nararapat para sa kanilang mga pamilya.
Hinding-hindi natin dapat ilibing ang pag-asa ng mga naulila na makamit ang hustisya. Itodo ang benepisyo at hindi dapat atrasado! Sa totoo lang, hindi kayang matumbasan ng mga benepisyong ‘Yan ang sakripisyo ng SAF44. Tratuhin natin sila bilang magigiting na bayani ng ating bansa.
Comments