top of page
Search
BULGAR

Ayuda sa mahihirap, dapat non-stop

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 21, 2023


Patuloy ang serbisyo ng Malasakit Center para mailapit sa mga nangangailangan ang serbisyong pangkalusugan.


Naging mabunga ang linggong ito dahil sa kabila ng marami tayong naging trabaho sa Senado, nakapaglibot pa rin ang inyong Senador Kuya Bong Go para naman maghatid ng serbisyo at tulong sa iba’t ibang komunidad, at maipabatid ang ating mga inisyatiba at programa na ang layunin ay mapagkalooban ang ating mga kapwa Pilipino ng ligtas at komportableng buhay, at mabigyan ng proteksyon ang kanilang kalusugan.


Kahapon, January 19, ay sinaksihan natin ang pagpapasinaya at turnover ng New Community College building sa Gingoog City, Misamis Oriental. Sinuportahan ko ang pagpapatayo ng nasabing gusali. Matapos ang aktibidad ay personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 750 indigent na estudyante ng NCC.


Pinayuhan ko ang mga kabataan na pagbutihin ang kanilang pag-aaral para maging masaya ang kanilang mga magulang. Sinabi ko rin sa kanila na mahalaga ang edukasyon dahil ito ang isa sa mga susi sa pag-unlad. Bukod sa kanilang dedikasyon sa pag-aaral, ipinaalala ko rin sa kanila na maging mahilig sa sports, para bukod sa matalas ang kanilang isipan ay masigla rin ang kanilang katawan. Dagdag na payo ko sa kanila, get into sports and stay away from drugs.


Pagkatapos ay dumiretso naman tayo sa Oroquieta City at pinangunahan ang pagkakaloob ng ayuda sa 2,563 na mahihirap na residente na naging biktima ng pagbaha sa kanilang lugar.


Dinaluhan ko naman noong January 18 ang paglulunsad ng pinakabagong Malasakit Center sa Camiguin General Hospital, isang DOH-run hospital, sa Mambajao, Camiguin. Masaya po akong ibalita na ito na ang ika-154 na Malasakit Center sa ating bansa. Nag-abot din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners sa ospital.


Patuloy ang ating pagsisikap na maipagpatuloy pa ang mga Malasakit Center sa layuning ilapit sa mga pasyente — lalo na ang mga mahihirap at walang matatakbuhan maliban sa pamahalaan — ang mga tulong pinansyal at pangmedikal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno nang hindi na sila mahirapan pa sa paglilibot sa mga opisina dahil nasa iisang bubong na.


Noong wala pa ang Malasakit Center, kinakailangan pang lumapit ng mga pasyente sa iba’t ibang opisina ng gobyerno. Pumipila sila nang napakahaba at nagmamakaawa na tulungan sila. Kaya naisip ko, bakit pa natin kailangang pahirapan ang ating mga kababayan? Bakit kailangan pa nilang magmakaawa, eh pera naman nila ‘yan? Ibalik dapat ang pera sa mga mahihirap sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong nararapat.


Bilang isang lingkod bayan, napakasarap sa aking pakiramdam na ang ating mga isinusulong na programa ay talagang malaki ang naitutulong sa ating mga kapwa Pilipino. Kaya naman sobra akong natutuwa sa pinakahuling ulat ng DOH na nagsasabing mahigit pitong milyong Pilipino na ang natulungan at nakinabang sa Malasakit Centers sa buong bansa, mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.


Sinaksihan ko rin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Mambajao, na kapag operational na ay magkakaloob sa ating mga kababayan doon ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, at hindi na nila kailangang magpunta sa mga malalayong ospital dahil kaya nang tugunan dito ang mga emergency, maging ang panganganak, pagpapabunot ng ngipin at iba pang serbisyong agarang kinakailangan. Nakatanggap naman ng tulong mula sa aking tanggapan ang 702 benepisyaryo na bahagi ng iba’t ibang sektor sa naturang lugar.


Binisita ko rin ang mga proyektong aking sinuportahang mapondohan ng gobyerno sa Brgy. Bonbon, Catarman sa Camiguin pa rin. Kabilang dito ang barangay hall, evacuation center at solar lights na pawang nasa Purok 4. Sa Purok 3 ay sinilip ko rin ang mga proyektong atin ding sinuportahan gaya ng multipurpose gym at seawall. Malaking tulong ang mga pasilidad na ito sa kanilang mga residente lalo na kapag may kalamidad.

Napakahalaga para sa akin na personal na nakikita ang mga proyektong pinagkagastusan ng pondo ng pamahalaan para matiyak na maayos ang pagkakagawa at nasusunod kung ano ang purpose nito — ang mapakinabangan ng mga tao.


Ipinagpatuloy rin namin ang pamimigay ng tulong sa 73 estudyante sa Catarman (Camiguin) at ang groundbreaking ng isa pang Super Health Center sa Guinsiliban, Camiguin.


Samantala, nakatakda sana akong bumisita sa Mapanas, Catarman at Lavezares sa Northern Samar noong January 17 para maghatid ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha. Sa kasamaang palad, noong kami ay papaangat na para lumipad ay nagkaroon ng mechanical issue sa isa sa mga makina at preno ng eroplanong aming sinasakyan kung kaya’t naantala ang aming pagbiyahe. Salamat sa Diyos, ligtas kami at walang gaanong aberya ang idinulot sa ating paliparan sa nangyari.


Magsasagawa rin sana ako ng inspection sa itinatayong Super Health Center at bagong tayo na covered court sa Lavezares, at sa isinaayos na public market sa Catarman. Gayunpaman, tiniyak ng aking team na nasa Northern Samar na tumutulong sa mga lokal na awtoridad doon na natutugunan ang pangangailangan ng mga residenteng labis na naapektuhan ng pagbaha. Naabutan din ng tulong ang 742 na senior citizens at solo parents.


Nakarating naman ang aking relief team sa Maco, Davao de Oro para alalayan at ayudahan ang 23 residente na biktima ng landslide.


Ngayong araw naman ay nakatakda akong bumisita sa Siniloan, Laguna para makita ang itinatayong Sports Complex doon na akin ding sinuportahang mapondohan. Pagkatapos ay dadaan ako sa Famy, Laguna para makisama sa kanilang piyesta at mapakinggan din ang mga hinaing ng mga kababayan natin doon.


Mga kababayan ko, kahit saang sulok kayo ng bansa, basta kaya ng aking katawan at panahon, ay pupuntahan ko kayo para makapaghatid ng agarang tulong at serbisyo. God willing, patuloy po akong bibisita sa ating mga kababayang tinamaan ng sakuna at nangangailangan dahil sa iba’t ibang krisis na hinaharap ng ating bansa. Patuloy pa rin akong magseserbisyo, magtatrabaho at tutulong sa abot ng aking makakaya.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page