ni Mai Ancheta @News | September 18, 2023
Hindi pa natatanggap ng ilang tsuper at operators ng public utility vehicles na benepisyaryo ng fuel subsidy program ang kanilang ayuda mula sa gobyerno.
Ito ang inihayag ng grupong Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa kabila ng pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipinamahagi na nitong September 13, 2023 ang fuel subsidy para sa PUVs.
Ayon kay Boy Vargas, presidente ng ALTODAP, wala pang laman ang cash card ng ilan sa kanilang miyembro, gayong ang iba ay nakuha na sa Landbank of the Philippines.
Dahil dito, sinabi ni Vargas na makikipag-ugnayan siya kina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III upang ipaalam na hindi pa lahat ng kanilang miyembro ay nakatanggap ng fuel subsidy.
Ilang sangay aniya ng Landbank ay hindi pa nag-release ng cash cards para sa subsidiya dahil sa election ban kaugnay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30, kaya ito ang lilinawin nila sa mga opisyal ng DOTr at LTFRB.
"Ang sinasabi nila dahil daw sa election ban, ayaw ibigay ang card. 'Yun ang lilinawin namin," ani Vargas.
Ang one-time fuel subsidy ay tulong ng gobyerno sa mga tsuper ng PUVs upang mabawasan kahit paano ang epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Ngayong Martes, September 19 ay tataas na naman sa ika-11 pagkakataon ang presyo ng petrolyo sa bansa.
Comments