ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 11, 2022
Sa kabila ng maraming mga pagsubok na ating hinaharap sa panahong ito, patuloy lang tayong magbayanihan para sa ikabubuti ng ating bansa. Ang ating pagkakaisa at pagmamalasakit sa isa’t isa ang susi upang manaig ang katatagan ng ating pagka-Pilipino. Bawat problema ay may solusyon kung magtutulungan po tayo.
Isa pa sa mga pinagtutuunan natin ng pansin ngayon ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petroleum products na nakakaapekto sa buhay ng bawat Pilipino.
Bilang inyong senador, anytime of the day, willing tayong mag-attend ng special session sa Senado kung kinakailangan para masolusyunan ang problema na apektado ang mga mahihirap — ‘yung mga kababayan natin na alam mong bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga sa kanila. Sa bawat pagtaas ng presyo ng krudo, lalong nababawasan ang kita na iuuwi nila sa kanilang pamilya.
Umaapela rin tayo sa Ehekutibo na gawin ang lahat ng paraan para maibsan ang epekto ng pagtaas sa presyo ng langis at iba pang bilihin. Kung may tulong na inilaan ang ating pamahalaan sa mga transport groups, ibigay na agad at huwag nang patagalin pa. Kung kailangan naman natin na magkaroon ng panibagong batas na ipasa para magkaroon ng budget at matulungan itong mga kababayan natin, aksyunan na natin ngayon at huwag nang patagalin pa ang paghihirap.
Sa kabila naman ng napakaraming problema ng ating bayan na hinahanapan natin ng solusyon, patuloy ang ating tanggapan sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng pandemya at iba pang krisis sa kabuhayan.
Ngayong linggo, naayudahan natin ang 3,000 benepisyaryo sa San Isidro, Davao Oriental; 1,833 sa Quezon City; at 1,000 rin sa Caloocan City.
Nakapaghatid din tayo ng tulong sa 1,000 benepisyaryo sa Valenzuela City; 4,000 sa Masinloc, Zambales; 3,000 sa Sta. Cruz, Zambales; at 992 sa Alcantara, Cebu.
Agad din tayong sumaklolo sa mga nasunugan: 200 market vendors sa Oton, Iloilo; 27 residente ng Iloilo City; tatlong pamilya sa Pulupandan, Negros Occidental; 38 pamilya sa Silay City, Negros Occidental, at 225 pamilya sa BASECO, Port Area, Manila na akin namang personal na binisita nitong Miyerkules.
Nakakalungkot makakita ng mga kababayan nating nasunugan o may pinagdaraanang krisis. Nagpapasalamat na rin lang tayo at hindi sila nasaktan. Ang mahalaga ay buhay sila habang sinisikap nating mabigyan sila ng suporta upang makabangon muli.
Ang nangyari sa ating mga kababayang nasunugan ang isa sa mga dahilan kung bakit natin isinulong na maisabatas ang Republic Act No. 11589, o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 2021. Ang inyong lingkod ang principal author at nag-co-sponsor nito sa Senado.
Nakita kasi natin ang pangangailangan para sa modernisasyon ng BFP. Sa mga nakalipas na panahon ay kulang na kulang ang kanilang mga kagamitan, maging ang kanilang mga tauhan. At upang higit na maging epektibo ang ating mga bumbero sa pagtugon sa mga insidente ng sunog, kailangan nila ng specialized training.
Sa RA 11589, palalawakin din ang pagpapalaganap ng impormasyon sa mga komunidad kung paano mag-iingat ang mga residente para maiwasan ang mga insidente ng sunog.
Sa aming isinasagawang relief activities ay laging ipinaaalala sa ating mga kababayan na patuloy pa ring mag-ingat kahit bumababa na ang mga kaso ng COVID-19.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy naman tayong nakikiusap sa mga puwede nang magpabakuna na samantalahin nila ang vaccination program ng pamahalaan. Kitang-kita naman natin ang resulta na dahil sa bakuna at pagsunod sa health protocols kaya unti-unti ay nakokontina na natin ang pandemya.
Unti-unti na tayong nagbabalik sa normal at nagbubukas nang muli ang ating ekonomiya.
Kasabay ng magandang balitang ito ay ang ating pakiusap na lagi tayong mag-iingat — sa COVID-19 at sa mga trahedya — para lahat tayo ay makahinga naman nang maluwag-luwag pagkatapos ng ating mga pinagdaanan.
Sama-sama tayong babangon bilang nagkakaisang mga mamamayan.
Ukol naman sa nalalapit na halalan, gamitin natin ang panahon ng kampanya upang suriin ang kakayahan at katapatan ng ating mga kandidato. Ikonsidera natin kung sino ang makapagpapatuloy ng magagandang pagbabagong nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte at kung sino ang makatutulong talaga sa mga Pilipino.
Patuloy naman ninyo akong maaasahang magmamalasakit at magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya — anuman ang mangyari sa pulitika. Mananatiling prayoridad ko ang kapakanan at interes ng kapwa ko Pilipino. Ako po ang inyong Kuya Bong Go na laging handang maglingkod sa inyo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Commenti