top of page
Search

Ayuda, bantayang ‘di magamit sa kampanya

BULGAR

by Info @Editorial | Jan. 25, 2025



Editorial

Ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isang hakbang upang matulungan ang mga mamamayang nasa laylayan.


Gayunman, tulad ng iba pang mga programa ng gobyerno, hindi maiiwasan ang mga isyu at kontrobersiya na dulot ng maling paggamit ng pondo. 


Isa sa mga ito ay ang sinasabing paggamit ng ayuda sa panahon ng kampanya para sa halalan, na malinaw na isang uri ng pang-aabuso sa mga benepisyaryo at isang hakbang na naglalayong makinabang ang mga pulitiko sa pamamagitan ng kanilang posisyon.Ang pangunahing layunin ng ayuda ay magbigay ng agarang tulong sa mga mahihirap lalo na sa panahon ng kalamidad, krisis pang-ekonomiya at mga natural na sakuna. 


Ang mga ito ay hindi inilaan para sa pansariling kapakinabangan ng mga pulitiko, kundi para sa kapakanan ng mga nangangailangan. Kung gagamitin ang mga ito upang makuha ang boto ng mga mamamayan, nagiging mali ang layunin at nagiging isang uri ng panloloko sa taumbayan. 


Hindi nararapat na gawing kasangkapan ang mga mahihirap upang magtagumpay ang isang pulitiko sa eleksyon.Bilang mga botante, mahalagang maging mapanuri at mulat sa mga ganitong uri ng manipulasyon.


Huwag hayaang mabiktima ng maruming taktika sa kampanya. 


Sa halip, dapat nating pagtibayin ang ating paninindigan na ang bawat boto ay batay sa track record, plataporma, at tunay na hangarin ng isang kandidato at hindi sa pansamantalang tulong na ipinagkakaloob lamang sa panahon ng halalan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page