ni Grace Poe - @Poesible | March 15, 2021
Nag-anibersaryo na ang pagbababa ng lockdown sa ating bansa. Ang inakala nating ilang linggo lamang na community quarantine, inabot na ng isang taon. Ang masaklap, sa halip na masugpo ang COVID-19, nakararanas tayo ngayon ng surge o pagtaas ng bilang ng mga kaso ng impeksiyon.
Isang taon na ring tag-gutom ang jeepney drivers. Hanggang ngayon, wala pa rin silang pasada. Kani-kanyang diskarte na lamang kung paano sila mabubuhay pati na ang kanilang pamilya.
Malaki ang pagtutuon ng pamahalaan sa pagbubukas ng ekonomiya. Sa kabila ng second wave na dinaranas natin, nagluluwag tayo ng restriksiyon dahil kailangan nating suportahan ang kabuhayan ng mamamayan. Nagsisimula na ang pagbabakuna at umaasa tayong tulad sa ibang bansa, magdulot ito ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19. Samantala, kailangang tumakbo ang mga negosyo para makapagdala ng trabaho sa mga tao.
Kung gusto nating pasiglahin muli ang ekonomiya, naniniwala tayong kailangang ibalik ang mga jeep sa ating daan. Marami tayong roadworthy jeeps na makapagbibigay ng abot-kayang transportasyon sa ating mga kababayan. Kailangan sila para sa mobilidad ng mga tao para maging produktibo sila. Kailangan ito para sa kabuhayan ng jeepney drivers at operators nating nakaasa sa kita mula sa pamamasada.
Inihain natin ang Senate Bill No. 867 para sa makatarungan at makataong jeepney modernization program. Sa ilalim ng Just and Humane Modernization Program na ating ipinapanukala, babalansehin ang kaligtasan sa daan at kabutihan sa kapaligiran sa karapatan ng mga taong nakasalalay ang kabuhayan sa mga jeep. Itatakda sa mga jeep na maging Euro-4 compliant ang mga makina nito, at kung magawa ito ay aaprubahan ang kanilang yunit para maipamasada. Bilang tulong, magpapahiram ang pamahalaan ng 10% ng halaga ng bawat yunit ng modernong jeep. Hindi rin maaaring lumagpas sa 4% kada taon ang interes sa pautang dahil na rin sa kalikasan ng public utility vehicles. Hindi rin bababa ang loan amortization period sa 15 taon.
Samantala, para sa jeeney drivers na hindi makapagmamaneho dahil sa modernization program, ipinapanukala nating bigyan sila ng makatuwirang ayudang pinansiyal para mayroon silang ipangsimula ng ibang kabuhayan. Nais natin silang bigyan ng pagkakataong magkaroon ng ibang pagkakakitaan kung hindi na sila muling makapapasada.
Turok sa dibdib pa rin ang alaala ng ating jeepney drivers na namamalimos sa kalsada para maitawid sa gutom ang kanilang mga pamilya sa gitna ng pandemya. Gagawin natin ang lahat para tulungan silang makaahon sa panahong ito, tulad ng kinikilala natin ang kanilang kahalagahan sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.
Comentarios