ni Leila De Lima - @Laban lang! | July 04, 2021
Mahigit isang taon na nating nararanasan ang krisis na dulot ng pandemya kaya patuloy ang pagdausdos ng ekonomiya. Nagsara ang maraming negosyo dahilan para mawalan ng trabaho ang maraming Pilipino.
Kaya sa simula pa lang, maigting na nating panawagan ang pagkakaloob at pagpapabilis ng ayuda, lalo na para sa matagal nang hikahos sa buhay. Marami sa ating mga kababayan ang bago pa man ang pandemya, pilit nang pinagkakasya ang kita sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Paano pa kaya kung nawalan pa sila ng trabaho dahil nalugi ang kumpanya o kasama sila sa mga na-retrench o kinailangang mabawas na empleyado?
Kaya hindi maiwasan ang pag-asam ng marami sa agarang tulong at ayuda mula sa gobyerno. At ito rin ang dahilan kaya lubos ang pasasalamat at pagsuporta ng mga Pilipino sa community pantry.
Nauna na nating nabanggit ang halaga ng ayuda para maibsan ang pagkalam ng sikmura ng marami nating kababayan at mabigyan sila ng kakayahan na makatawid sa bawat araw. Hindi ibig sabihin nito ay gagawin na lang silang dependent, tamad o palaasa. Mayroon lang talagang pagkakataon o sitwasyong kahit anong sipag o kayod ang gawin ay wala silang maipantustos dahil sa labis na kahirapan, pagkakaroon ng karamdaman o pagdating ng biglaan at matinding trahedya o sakuna.
Ito ang prinsipyong itinaguyod natin ng ating isabatas, bilang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act noong 2019. At kita naman natin, lalung-lalo na ngayong panahon ng pandemya, kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa milyun-milyong pamilyang benepisaryo.
Kaya nang magkaroon ng mungkahi na huwag ipagkaloob ang cash grant ng 4Ps sa mga hindi pa nagpapabakuna, agad tayong tumutol dito. Ang 4Ps ay tulong sa mga nangangailangan. Hindi ito kasangkapan para pilitin ang mga tao na naghahanap ng paglilinaw at impormasyon tungkol sa bakuna.
Linawin lang natin: Dapat makapagpabakuna agad ang mga Pilipino dahil ito ang pinakamabisang panlaban sa mga direktang pinsalang dulot ng COVID-19. Pero hindi makatarungang ipagkait ang ayuda sa mga nag-aalinlangan pa. Kung walang ayuda at wala pang bakuna, nasaan ang hustisya?
Para sa atin, okay lang kung hindi na inaanunsiyo o walang prior announcement sa kung ano ang ibibigay na bakuna. Pero ang mahalaga at nararapat pa rin na pagdating sa lugar ng pagpapabakuna ay maipaalam sa babakunahan kung ano ang ituturok at kung ano ang posibleng side effect nito. Karapatan ‘yun ng bawat Pilipino.
Malinaw kung ano’ng klaseng bakuna ang gusto ng karamihan sa ating mga kababayan at hindi natin maiaalis sa kanila na magkaroon ng pagkiling at timbangin muna kung ano’ng nararapat sa kanila. Huwag nating ipagkait iyon sa kanila.
Patuloy ang ating panawagan para sa mabilis na pamamahagi ng bakuna at ayuda. Kaakibat ng ating pag-iingat, dasal natin ang kaligtasan ng bawat isa, ang pagbangon ng ekonomiya at ang tiyak na kabuhayan para sa mga Pilipino para maitaguyod ang pamilya at ang marangal na pamumuhay.
Ingat tayo palagi. Laban lang!
Comentários