ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | December 13, 2022

Panalo si Manny Pacquiao sa exhibition-charity boxing match nila ng Korean vlogger-boxer na si DK Yoo.
Si DK Yoo ay mahusay sa martial arts at tinaguriang Bruce Lee ng Korea. Ang laban nila ni Pacquiao ay ginanap sa Korea noong Dec. 11.
Ang kinita sa nasabing charity exhibition fight ay ido-donate nila sa charity. Ang share ni Pacman ay ilalaan niya para sa kanyang housing projects dito sa 'Pinas, samantalang si DK Yoo naman ay sa mga pamilyang naging biktima sa Ukraine war.
Para kay Pacman, ang panalo niya kay DK Yoo ay magandang senyales upang balikan niyang muli ang kanyang boxing career. Kahit marami na ang nag-advise kay Pacquiao na tumigil at magretiro na sa kanyang boxing career dahil nasa retiring age na siya sa standard ng mga boxers, naniniwala si Pacman na kaya pa niyang lumaban at muling harapin ang mga pambatong world boxers.

Malakas pa raw siya at tututok sa muli niyang pagte-training.
Pansamantalang tinalikuran ni Manny Pacquiao ang boxing arena nang kumandidato siyang pangulo noong nakaraang eleksiyon. Huling laban ni Pacquiao bago nag-semi-retire ay sa boksingerong si Yordenis Ugas ng Cuba. Tumagal ng 12 rounds ang laban pero natalo ni Ugas si Pacman.
댓글