top of page
Search
BULGAR

Kaya tumagal na mag-asawa… SEN. ROBIN, MAY 2 BAGAY NA AYAW NA AYAW NA PINAKIKIALAMAN NI MARIEL

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 4, 2024



Photo: Robin at Mariel - IG marieltpadilla Instagram


Alam ni Mariel Rodriguez na allowed sa mga lalaking Muslim ang pagkakaroon ng hanggang apat na asawa. Pero nag-usap sila ni Sen. Robin Padilla at nagbigay ng kondisyon bago nagpakasal, gusto ni Mariel na siya lang ang nag-iisang asawa at wala nang ibang makakahati pa. 


So far, maayos naman ang kanilang naging pagsasama at hindi na natukso si Sen. Robin sa ibang babae. Kaya masayang-masaya at kuntento na si Mariel sa pagiging Mrs. Padilla.


Ayon kay Mariel, dalawang bagay lang ang ayaw ni Sen. Robin na kinokontra ‐ ang mga bagay na may kinalaman sa mga anak nila ng kanyang ex-wife na si Liezl Sicangco, at ang mga ginagawa niya para sa Mindanao. 


Malaki ang pagmamalasakit ni Sen. Robin sa Mindanao at sa kanyang mga Muslim brothers, anumang oras ay handa siyang tumulong kung sakaling may hidwaan at kaguluhan na magaganap sa Mindanao. At hindi siya puwedeng pigilan ni Mariel Rodriguez-Padilla sa kanyang mga desisyon.


 

CURIOUS si Gelli de Belen kung bakit tinanggap agad ni Boy Abunda si Ariel Rivera upang i-manage ang career nito kahit hindi pa nga naririnig ni Boy Abunda na kumanta ito. 


Ang sikat na composer na si Vehnee Saturno ang naglapit at nagpakilala kay Ariel sa King of Talk. Bagong dating pa lang noon si Ariel na lumaki sa Canada. 


Ayon kay Abunda, ‘gut feel’ lang ang kanyang naging basehan kaya tinanggap at tinulungan ang career ni Ariel at hindi nga siya nagkamali dahil sumikat ito at kinabaliwan ng mga kolehiyala. 


Samantala, may hindi rin makakalimutang experience si Ariel noong baguhan pa lamang siya. Pinag-guest daw siya agad sa concert ng Concert Queen na si Pops Fernandez na ginanap sa Ultra. Sobrang nerbiyos ni Ariel nang umakyat sa stage para kumanta. Pero, inalalayan daw siya at tinulungan ni Martin Nievera, kaya nakaraos ang kanyang first guesting sa concert. 


Kaya naman hanggang ngayon, tumatanaw ng malaking utang na loob si Ariel Rivera sa dati niyang manager na si Tito Boy Abunda.


 

BAGAMA’T hindi pinalad na makapasok sa MMFF 2024 ang pelikulang IDOL: The April Boy Regino Story, ay maluwag na tinanggap ng mabait na producer ng Premiere Waterplus Production na si Marynette Gamboa. Aminado rin naman si Direk Efren Reyes, Jr. na mabibigat ang mga pelikulang napili ng MMFF Committee. 

May Vilma Santos-Aga Muhlach movie, may Vic Sotto-Piolo Pascual tandem, at may Vice Ganda entry pa! 


Matitindi ang mga maglalaban-labang pelikula sa filmfest, kaya okay na rin na sa Nov. 27 na nila ipapalabas sa mga sinehan ang IDOL: The April Boy Regino Story.


Well, hindi na lang pinapansin ng Premiere Waterplus Productions ang pangmamaliit sa kanilang pelikula. Alam ng lady producer na si Marynette Gamboa na marami pa ring tagahanga ang yumaong music icon na si April Boy Regino na magkakaroon ng interes na panoorin ang kanyang biopic. 


At kahit na mga baguhan ang kanilang bida sa movie na sina John Arcenas at Kate Yalung, magaling silang umarte, lalung-lalo na si John na todo ang effort na ginawa upang magmukha siyang si April Boy Regino. 


Pati ang style at timbre ng boses ni April Boy ay kanya ring ginaya. 

Kuwento naman ng lady producer, hindi niya alam na bulag na pala noon si April Boy Regino nang mag-show sa GenSan. Doon sila nagkakilala. 


At kahit may sakit na, hindi nagpatalo si April Boy at ipinagpatuloy pa rin ang kanyang singing career. 


Tatlong sakit ang ininda ni April Boy bago siya tuluyang bumigay. Nagkaroon siya ng prostate cancer, diabetes, heart at chronic kidney disease. 


Isang malaking kawalan sa music industry si April Boy Regino, minahal at inidolo siya ng masang Pinoy.





0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page