ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 25, 2022
Dear Sister Isabel,
Naguguluhan na ako sa mundong ito. Gusto ko nang wakasan ang aking buhay upang doon na tumira sa permanente nating tirahan sa kabilang buhay, kung saan walang gutom at uhaw.
Suko na ako sa mga pasakit, dalamhati, pagtitiis at walang katapusang problema. Ayaw ko na at hindi ko na talaga kaya. Para bang wala nang kaligayahang naghihintay sa akin dito sa lupa dahil sa non-stop na mabibigat na problema at sabay-sabay pa.
Tulungan n’yo ako para makayanan ko ang buhay sa mundong ito.
Nagpapasalamat,
Dorothy ng Davao
Sa iyo, Dorothy,
Sadyang ganyan ang buhay dito sa lupa, hindi gaya sa langit. Acceptance ang kailangan. Nakatira ka rito sa lupa, kaya harapin mo nang buong tatag ang mga kalbaryo sa buhay.
Dapat mong isaisip na walang permanente sa mundo dahil lahat ay dadaan at lilipas.
Sabi nga, kung may lungkot, may ligaya. Kung may luha, mayroon ding galak at tuwa. Ang kailangan lang ay huwag masyadong dibdibin at alalahaning hindi ka nag-iisa. Lahat ay dumaranas ng matinding pagsubok, ngunit sa sandaling malagpasan, may gantimpalang nakalaan.
Gayundin, gamitin mo ang iyong isip at tamang diskarte sa buhay. Binigyan tayo ng talino, kaya marapat lamang na gamitin ito upang humanap ng solusyon o pamamaraan para malagpasan ang mga pasanin sa buhay. At higit sa lahat, tumawag ka sa Diyos at huwag kang makakalimot na magdasal. ‘Ika nga, tamarin ka na sa ibang bagay, huwag lamang sa pagdarasal.
Hawak tayo ng Diyos, Siya ang lumalang sa atin at kung hindi mo na kaya, nar’yan Siya para saluhin ka. Kung may pananampalataya, determinasyon at katatagan, malalagpasan mo ang lahat ng pagsubok sa buhay.
Sa kabilang banda, mali ang iniisip mo na wakasan ang iyong buhay dahil physical body lang ang mawawala. Kapag ang isang tao ay namatay, buhay pa rin ang kanyang kaluluwa o espiritu na pagala-gala hanggang hindi pa umaakyat sa langit o napupunta sa impiyerno, kung saan dadalhin ng katalagahan. Hindi ‘yun ang solusyon sa non-stop na problema mo, kaya huwag na huwag mong wawakasan ang iyong buhay.
Nawa’y naliwanagan ka sa mga inilahad ko sa iyo. Ang kalungkutan mo ngayon ay may ligayang kapalit na malapit mo nang maranasan sa mga darating na araw.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments