ni Lolet Abania | May 18, 2021
Nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na sakaling tumanggi na magpabakuna kontra-COVID-19, ayon sa kanya, dapat ay mag-“stay home” o manatili sa kanilang tahanan sa dahilang nahihirapan ang mga awtoridad na kumbinsihin ang publiko na magtiwala sa pagpapabakuna.
Sa kanyang taped speech ngayong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na ang nabubuong pangamba ng marami sa epekto ng vaccines ay ‘walang basehan’ dahil wala pa aniyang namatay sa COVID-19 vaccines.
"Maniwala kayo sa gobyerno, maniwala kayo sa mga tao na inilagay n'yo d'yan sa opisina nila... Maniwala kayo, Diyos ko po kasi kung hindi, hindi kayo makatulong," ani P-Duterte.
"We cannot force you. But then, sana, kung ayaw n'yong magpabakuna, huwag na kayong lumabas ng bahay para hindi kayo manghawa ng ibang tao," dagdag ng Pangulo.
Iginiit din ng Pangulo na kapag hindi pa nabakunahan, madali itong mahahawahan ng COVID-19.
"Maghawahan talaga 'yan,” ani P-Duterte.
Ayon kay P-Duterte, dapat na sundin ng publiko ang payo ng mga doktor na magpabakuna na laban sa coronavirus, lalo na ngayong dumarami ang mga new variants ng COVID-19, kaysa umabot pa sa puntong infected na ng nasabing virus at hindi na talaga makahinga.
"'Pag hindi ka na makahinga, dalhin ka sa ospital, walang makalapit sa pasyente, doktor lang, nakabalot pa to avoid being infected,” ayon sa Pangulo.
"'Pag namatay kayo, diretso kayo sa morgue. 'Di mo mahalikan, ma-realize mo ang sakit. You will not be able to kiss your loved ones goodbye)," dagdag pa niya.
Samantala, ayon sa ginawang survey ng OCTA Research Group, isa lamang sa apat na residente ng Manila ang pumapayag na magpaturok ng COVID-19 vaccines, habang sa hiwalay na survey naman ng Pulse Asia, 6 sa 10 Pilipino ay hesitant o alanganin na magpabakuna ng COVID-19 vaccines.
Subalit para magkaroon ng herd immunity, kailangan na 70 porsiyento ng populasyon ng bansa ang mabakunahan. Ito rin ang tinatawag na indirect protection mula sa nakahahawang sakit, dahil kapag ang populasyon ay na-immune sa pamamagitan ng vaccination, madali nang malalabanan ang naturang impeksiyon, ayon sa World Health Organization.
Kommentare