top of page
Search
BULGAR

Awat muna sa pulitika, unahin ang pagtugon sa pandemya

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 04, 2021



Ngayon pa lang, nagiging mainit na usap-usapan na ang pulitika at ang darating na eleksiyon sa 2022.


Tayo ay patuloy na naniniwala sa Pamilyang Duterte at sa kanilang liderato, kaya mula noon hanggang ngayon—at hanggang sa dulo—ay susuportahan natin sila dahil iisa lang naman ang aming hangarin: ang pagserbisyuhan ang aming mga kapwa Pilipino at maipaglaban ang kapakanan ng buong Pilipinas.


Nagpapasalamat tayo sa tiwala at suporta, ngunit mas makabubuti na isantabi muna natin ang pulitika.


Tulad nga ng sabi natin noon, I leave my fate to God. Ipinauubaya na natin ito sa Diyos, sa mga Duterte, at sa mga kapatid nating Pilipino na nagbigay ng pagkakataon na maglingkod sa bayan at patuloy na nagbibigay ng lakas ng loob na magserbisyo sa abot ng ating makakaya. Kaya hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito, at ibabalik natin ang nararapat na serbisyo.


Kaya patuloy ang ating pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan. Kahit saang sulok ng Pilipinas, pakinggan ang mga hinaing, solusyunan ang mga suliranin, at maibalik ang ngiti sa oras ng pagdadalamhati.


Sa ating pag-iikot, iba’t ibang klase ng tulong ang ating naipamamahagi sa mga komunidad na may hinaharap na krisis. Nag-aabot tayo ng food packs, gamot, financial assistance at iba pa, habang sinisiguradong nasusunod ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kasama ang iba’t ibang ahensiya na nagbibigay rin ng tulong base sa kanilang mga programa.


Mula Mayo 29 hanggang Hunyo 3, nag-abot ng tulong ang ating tanggapan sa mga nasalanta ng sunog tulad ng anim na pamilya sa Bgy. Pembo, Makati; dalawang pamilya sa Bgy. 508 Zone 50, Sampaloc at 1,150 na pamilya sa Bgy. 650 Zone 68, Port Area, 11 na pamilya sa Pandacan, at karagdagang isang pamilya sa Malate; 125 na pamilya sa Bgy. Tanyag, Taguig; 21 na pamilya sa Bgy. Malinta, Valenzuela City; dalawang pamilya sa Bgy. Mayamot, Antipolo sa Rizal; isang pamilya sa Bgy. Alabang, Muntinlupa; 14 na pamilya sa Lopez Compound sa Las Piñas City; at anim na pamilya sa Bgy. Ibaba, Malabon City.


Bukod pa rito, nag-abot tayo ng suporta sa mga kababayan natin mula sa iba’t ibang sektor, tulad ng 950 na LGBT na benepisaryo sa DSWD Central Office sa Quezon City; 400 kabataang maituturing na out-of-school youth and displaced workers sa Bacolod City; 206 young workers sa Lucena City; 695 na tour guides sa Samboan sa Cebu; 1,097 fisherfolks sa Dumanjug, Cebu; at tig-200 na young workers mula sa Malabon, North and South Caloocan at Pateros.


Dagdag pa ang 647 na mga biktima ng Typhoon Auring sa Tandag sa Surigao del Sur na atin ding tinulungan.

Habang sinisikap nating tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, sinisiguro natin na hindi mapababayaan ang mga trabaho sa Senado. Kamakailan lamang ay naipasa ang 13 local hospital bills na ating ipinaglaban upang mabigyan ng maayos na pasilidad-pangkalusugan ang mga Pilipino sa iba’t ibang parte ng bansa.


Patuloy rin nating ipinaglalaban na maisabatas ang pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos upang magbigay ng mas maayos na serbisyo sa bawat Pilipino saan man sila sa mundo. Isinusulong din natin ang BFP Modernization Act para mapaigting pa ang ating pagresponde sa sunog at maiwasan ang disgrasya. Ilan lamang ito sa mga nais natin maisakatuparan bilang mambabatas bago ang huling SONA ni P-Duterte.


Bukod dito, tuloy pa rin ang ating laban kontra COVID-19. Sinisikap nating maabot ang herd immunity bago matapos ang taon kung kaya’t hinihikayat natin ang lahat na magpabakuna na ayon sa nakasaad sa ating National Vaccine Roadmap. Huwag kayong matakot dahil ang bakuna ang susi tungo sa pagbabalik sa normal na pamumuhay at ang solusyon upang malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19.


Higit sa lahat, sumunod pa rin tayo sa nakatakdang mga patakaran upang maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Kailangan ang suporta at kooperasyon para magwagi sa laban na ito bilang nagkakaisang bansa. Isantabi muna ang pansariling interes at unahin natin ang serbisyo, malasakit, at bayanihan para sa ikabubuti ng ating mga kababayan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page