ni Janiz Navida @Showbiz Special | Oct. 25, 2024
Photo: Sanya Lopez / Instagram
Napaiyak ang Pulang Araw actress na si Sanya Lopez sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery nang mapag-usapan ang tungkol sa mga lolang biktima ng panggagahasa ng mga Hapon nu’ng panahon ng giyera o mas kilala sa tawag na ‘comfort women’.
Ang topic kasi ng forum ay “Justice for Filipino Comfort Women” kung saan naimbitahan si Sanya at ang co-star niya sa Pulang Araw na si Ashley Ortega na magbahagi ng kanilang saloobin tungkol sa usapin ngayong naranasan na nga nila ang pinagdaanan ng mga comfort women dahil sa kani-kanilang role sa GMA-7 serye.
Naging emosyonal si Sanya habang nagkukuwento ng mga istoryang nalaman niya mula sa ilang lola na nakausap niya bago nila inumpisahan ang Pulang Araw, kung paano inabuso ang mga ito at ang kanilang mga kapamilya nu’ng panahon ng giyera.
Masyadong naapektuhan si Sanya sa kuwento ng mga comfort women at talagang dinibdib niya ito lalo’t mukhang emosyonal na tao rin ang aktres.
Pero nang matanong naman siya kung ano’ng mga natutunan at naging realization niya playing her role in Pulang Araw na rape victim din ng Hapon at kung gusto pa rin ba niyang magpunta sa Japan, ang sagot ng aktres, love na love raw niya ang mga comfort women at nakikisimpatya siya sa pinagdaanan ng mga ito.
Nakikiisa rin daw siya sa mga grupong kumokondena sa ginawang pang-aabuso sa mga comfort women at sa panghihingi ng hustisya sa sinapit ng mga ito.
Gayunpaman, aminado si Sanya na masarap ang mga pagkain sa Japan at mababait din naman ang mga Japanese na nakilala niya sa mga travels niya roon, kaya hindi naman daw nangangahulugan na magagalit na rin siya sa mga Hapon dahil sa mga nangyari nu’ng World War II.
Ganu’n din naman ang naging pananaw ni Ashley, hindi naman daw lahat ng Hapon ay rapist at masama, may mabubuting Japanese pa rin daw.
Pabirong tinanong nga namin ang dalawa, paano kung may Hapon na manligaw sa kanila, ie-entertain ba nila?
Natawa rin sina Sanya at Ashley at ang sagot nila, as long as mabuting tao naman at may values na makakasundo nila, why not?
Ohhh, “hashtag marupok” lang daw ang peg nila. Char!
Para naman kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na present din sa Pandesal Forum kasama ng grupong Flowers for Lolas, naniniwala siyang kailangan lang na patuloy na i-educate ang mga kabataan tungkol sa ating kasaysayan at ‘wag isawalang-bahala ang malupit na pinagdaanan ng mga comfort women upang magsilbi itong paalala sa bagong henerasyon na ‘wag nang hayaang mangyari uli ito.
Ang isa sa mga hangad lang daw nila kaya isinusulong ang justice for comfort women ay mag-sorry ang Japanese government sa mga comfort women nang sa gayon ay makamit nila ang hustisya. Kaya pati sa ating gobyerno ay patuloy silang nananawagan para bigyan ng pansin at aksiyon ang hustisyang hinihingi ng mga biktima ng World War II mula sa kamay ng mga sundalong Hapon.
First time lang nagsama, game agad…
JASMINE, 'NATIKMAN' NA NI JOHN LLOYD
HINDI naman tuluyang iniwan ni John Lloyd Cruz ang showbiz kahit medyo matagal na rin itong nagpahinga sa paggawa ng serye at sitcom.
In fact, may ginawang pelikula si John Lloyd na hindi lang siya actor kundi co-producer pa, ang Moneyslapper na isa sa mga pelikulang iso-showcase sa gaganaping 12th Edition ng QCinema International Film Festival na magsisimula sa Nov. 8 hanggang Nov. 17.
First time makakasama ni John Lloyd sa naturang film ang younger sis ni Anne Curtis na si Jasmine Curtis-Smith.
Dahil nasa iisang management lang sila, ang Crown Artist Management na pinamamahalaan ng mag-asawang Maja Salvador at Rambo Nuñez, si JLC na rin ang nag-suggest na si Jasmine ang makasama niya sa movie.
Tinanong namin si Jasmine kung ano’ng natutunan niya kay JLC working with him for the first time.
Sagot ng aktres, “Magpakatotoo ka talaga pagdating sa pagtatrabaho mo.”
Tulad daw ng ginawa ni JLC na dahil gusto nitong gumawa ng film na kakaiba kahit pa indie, nag-produce ito para mapagbigyan ang pangarap nito.
Tinanong namin si Jasmine kung na-experience ba niya ang sinasabi ng ilan na pagiging “malalim” ni John Lloyd dahil artist nga ito at ‘di basta artista lang.
“Oo, I think so naman, na-experience ko ‘yung tunay na pagkatao niya,” ani ng aktres, sabay kuwento na natuwa siya nang makita si John Lloyd na kumakain sa isang pares house sa Pampanga after ng shooting nila, mga around 11 PM na.
‘Yung akala raw ng iba na sosyal at maselan si John Lloyd dahil artista, nakita raw niya kung gaano kasimple ang aktor, kaya ginaya na rin daw niya ito at kumain na rin ng pares.
Inamin din ni Jasmine na may love scenes sila ni John Lloyd sa Moneyslapper pero wala naman daw naging issue sa non-showbiz boyfriend niya dahil suportado nito ang kanyang career.
Kinumusta na rin ng press ang love life ni Jasmine at aniya, lagi nilang napag-uusapan ni Jeff Ortega ang kasal, though hindi pa naman daw ito nagpo-propose.
At tungkol sa pagkakasangkot niya sa fake news na hiwalay na ang sister na si Anne Curtis at mister na si Erwan Heussaff na siya ang dahilan, pare-pareho na lang daw nilang tinawanan ito dahil alam naman nila ang totoo.
Samantala, The Gaze ang tema ng 12th edition ng QCinema International Film Festival
kung saan tampok ang 77 pelikula na kinabibilangan ng 22 shorts at 55 full-length features sa iba’t ibang kategorya.
Sa unang pagkakataon ay apat ang napili para sa short films na produkto ng Directors’ Factory Philippines. Isang omnibus film project na nagsimula sa Cannes Directors’ Fortnight na ipinalabas sa 77th Cannes Film Festival noong Mayo ang magbubukas ng filmfest simula Nobyembre 8.
Ang QCinema 12 na gaganapin mula Nov. 8 to 17 ay mapapanood sa mga piling sinehan tulad ng Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinema sa Trinoma, Red Carpet sa Shangri-la Plaza, at Powerplant Mall.
Comments