top of page
Search
BULGAR

Awang-awa dahil 'di makauwi after Miss U…POKWANG, GUSTONG AMPUNIN SI MS. MYANMAR

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | May 22, 2021




Naawa ang komedyanang si Pokwang kay Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin o Candy Thuzar dahil hindi siya puwedeng bumalik sa bansa nila pagkatapos ng 69th Miss Universe bunsod ng may nakaambang arrest warrant. Kaya naman, gustong kupkupin ng komedyana ang dalaga.


Aarestuhin si Candy ng Military Junta dahil ginagamit nito ang kanyang social media para ipaalam sa lahat na nangangailangan ng tulong ang bansang Myanmar. Sumali rin siya sa anti-coup movement.


Pero maraming netizens ang nag-react sa panawagang ito ni Pokwang kay Ms. Myanmar dahil mas maraming mahihirap sa Pilipinas na nakatira pa sa bangketa ang mas dapat nitong tulungan.


Sinagot ng netizen na si Lucas JP Fajardo ang bashers ng aktres, “Magkaiba ang sitwasyon ni Ms. Myanmar sa mga taong nasa kalsada. Si Ms. Myanmar, walang bansang uuwian dahil sa kasalanang gusto n’ya lang humingi ng tulong hinggil sa nangyayari sa bansa nila. Pero ang mga nasa kalsada na pulubi, nagsisiksik sa lungsod, bakit 'di umuwi sa probinsiya at magbungkal ng lupa? Magtanim para may makain.”


Sumang-ayon din dito si Darryl Kyle, “Mga nagko-comment dito, 'di na nga makatulong, kung anu-ano pa pinagsasabi! Haixt! Kasalanan ba naman ni Pokwang kung naghihirap sa buhay ang mga taong palaging nagpaparami ng mga anak kahit 'di kayang buhayin kung kaya't nagiging dahilan ng paghihirap nila?”


Anyway, sa Ogie Diaz Showbiz Update vlog ay tinanong nina Ogie at kasamang si Mama Loi kung ano'ng masasabi ni Pokwang sa mga nagsabing mas dapat nitong tulungan ang kababayang Pinoy.


“Marami namang mahirap sa Pilipinas, bakit hindi ko ampunin at bakit si Ms. Myanmar pa? Excuse me, kung talagang followers ko kayo o legit ko kayong fan, alam n’yo kung ano ang ginagawa kong pagtulong at hindi ko na iisa-isahin ‘yun.


“Ang importante, alam ni God kung ano ang ginagawa ko, hindi ‘yung mga naka-data lang na makapag-comment lang, okay? Kalma!”


Samantala, muling inulit ni Pokwang ang panawagan niya kay Ms. Myanmar, "Hi, Ms. Myanmar, I’m Pokwang and I’m from the Philippines and I’m a fan of woman like you, you are very courageous and stands what is right for her country, you’re very strong and powerful. Just want you to know that you have a friend here in the Philippines and offering my humble home to you if you want to visit. And Ms. Myanmar, God bless you and protect you and God bless your country.”


Nasa Amerika pa rin si Ms. Myanmar at doon daw muna siya mananatili tulad ng ginawa ng kababayan niyang si Miss Grand Myanmar 2020 na si Han Lay na sumali sa Miss Grand International 2020 noong Marso sa Bangkok, Thailand at hanggang ngayon ay naroroon pa rin at kinukupkop ng Miss Grand International Organization.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page