ni MC @Sports | April 6, 2024
Nagpakitang-gilas pa rin sina Rancel Varga at James Buytrago bagamat nabigo sa ikalawa sanang straight victory at top spot sa kanilang grupo sa preliminaries ng Smart Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open kahapon.
Hindi napantayan ng batang Filipino duo ang malakas na simula at nasagap ng 22-20, 26-28, 13-15 na pagkabigo kina Kosuke Fukishima at Hiroki Dylan Kurokawa ng Japan sa world-class Nuvali Sand Courts by Ayala Land sa City of Sta. Rosa.
Pero ang unang puntos sa three-set loss, dagdag ang straight-sets victory sa kaagahan ng araw laban sa Indonesians na sina Yogi Hermawan at Ketut Ardana ang naglagay kina Varga at Buytrago sa No. 1 spot sa Pool H bago ang Round of 16.
Haharapin ng 5-foot-10 Varga at 6-foot-1 Buytrago sina Indonesian Bintang Akbar at Sofyan Efendi, sa dalawang preliminary matches. Natalo ang Indonesian pair kina Australian's Paul Burnett at Jack Pearse, 12-21, 16-21.
Ang iba pang Philippine pair nina AJ Pareja at Ran Abdilla ay abanse sa Pool D matapos ang preliminary matches para na rin sa Round of 16 showdown kina Iranians Abdolhamed Mirzaali at Abolhassan Khakizadeh na nanguna sa Pool G.
Sinabi ni Varga na ang result ang nagbigay din sa kanila ng sigla para sa Round of 16. “There were lapses, but at the same time the confidence is there,” ayon sa dating University of Santo Tomas spiker.
Samantala, nanaig ang National University laban sa La Salle-Lipa para makuha agad ang solong liderato sa PNVF U-18 sa bisa ng 25-21, 25-16 sa duwelo sa pagitan ng mga undefeated squads sa muling pagbabalik ng 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Kinailangan lang ng Lady Bullpups ng 51 minuto para dispatsahin ang Batangas bets at magtarak ng 3-0 won-lost record sa Pool B ng girls’ division.
Comentarios