top of page
Search
BULGAR

Automation sa Customs, ‘di lang solusyon sa korupsiyon, safety measure rin kontra COVID-19

ni Grace Poe - @Poesible | September 14, 2020



Hello, mga bes! Sa gitna ng pandemyang dinaranas ng ating bansa, nakikita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pondo ng pamahalaan para sa mga programang makatutulong sa taumbayan. Isa sa mga pinagkukunan nito ay ang koleksiyon mula sa buwis at taripa.


Nakakailang palit na ng administrasyon at pinuno, hindi pa rin nawawala ang korupsiyon sa Bureau of Customs. Lagi’t laging mainit ang mga mata ng taumbayan sa kawani ng nasabing ahensiya. Mula sa illegal smuggling hanggang sa undervaluation ng imported items, hindi maalis-alis ang alingasngas ng kurakutan sa BOC.


Sa ating pakikipagpulong sa economic managers ng ating bansa tungkol sa 2021 budget, kinumusta natin ang automation project ng Customs na nagkakahalagang P6-B. Idinisenyo ito upang sugpuin ang technical smuggling. Inatasan natin ang BOC na pabilisin ang awtomasyon ng mga proseso sa kawanihan dahil naniniwala tayong kung matatanggal ang interbensiyon ng mga empleyado, hindi lang maiiwasan ang korupsiyon, kundi mababawasan din ang exposure ng mga tao sa isa’t isa na posibleng maging dahilan ng pagkalat ng COVID-19.


Sa panahong ito, kailangan ng gobyerno ng karagdagang pondo para ipantustos sa laban natin sa COVID-19 at sa pagbangon ng ating ekonomiya. Kung ang nawawala sa koleksiyon ng BOC ay mapupunta sa taumbayan, napakaraming makikinabang at matutulungan sa halip na mapunta sa bulsa ng mga tiwaling kawani ng pamahalaan. Bilyung-bilyon piso ang nawawala sa atin dahil sa technical smuggling. Kung makokolekta ito ng Customs at maibubuhos sa makabuluhang mga programa ng pamahalaan, panalo ang taumbayan.


Naniniwala tayong sa pamamagitan ng digitisasyon ng mga proseso ng Customs, masisiguro natin ang bukas at mabisang kalakaran na magpapabuti sa koleksiyon ng ahensiya. Bagama’t may gastos din para maiayos ang sistema, maliit na bagay ito kumpara sa pakinabang na makukuha sa pagsasaayos ng proseso, bukod pa sa dagdag na proteksiyon ng mga kawani at mga taong nakikipagtransaksiyon sa BOC laban sa COVID-19.


Kung paanong nagsisikap ang ating mga kababayan na maghanap ng pagkakakitaan ngayong may pandemya, dapat ring magsigasig ang mga nasa BOC na paigtingin ang pagkolekta ng buwis mula sa nagpapapasok ng kalakal sa ating bansa. Walang magiging pahirap sa tao dahil itatama lang ang baluktot na nakasanayan ng mga nanlalamang sa pamahalaan. Sa halip na mapunta sa katiwalian, ilagay natin ang malilikom mula sa technical smuggling sa mga programang magdadala ng ayuda sa palad at bibig ng mga kababayan nating lubhang nangangailangan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page