ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 28, 2020
Hinirang na kampeon ang Australia sa kalalakihan habang India naman ang nangibabaw sa sagupaan sa kababaihan ng katatapos na iwas-coronavirus na Asian Nations Online Chess Championships.
Dinaig ng 6th ranked Australia ang pre-tournament favorite na India sa unang sabong nila sa finals 2.5-1.5 bago naitakas ang isang tabla sa pangalawang laro 2.0-2.0 upang makaakyat sa trono. Samantala, hindi napahiya ang mga eksperto nang hiranging topseed ang lady chessers ng India matapos na iposte ang dalawang 3.0-1.0 na tagumpay kontra sa Indonesia sa championship round.
Naisalba naman ng Pinay chessers ang isang podium finish matapos silang makasampa sa semifinals ng torneong umakit ng 31 kalahok mula sa iba't-ibang bahagi ng kontinente. Malaking susi rito ang pagdaig nila sa Sri Lanka noong quarterfinals.
Dalawang beses na dinaig nina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (board 1) at bronze medalist Woman International Master Jan Jodilyn Fronda (board 2) sina Tharushi Sandeepani at Ashvini Pavala Chandran ayon sa pagkakasunod-sunod upang pangunahan ang Pilipinas sa kambal na 3.5-0.5 tagumpay sa quarterfinals.
Nag-ambag rin sina WIM Kylen Joy Mordido (1.5 puntos), Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza (1.0 puntos) at WIM Bernadette Galas (0.5) upang maitulak ang Pilipinas sa bakbakan ng huling apat na bansang may tsansa pa sa korona.
Kapwa mga over-achievers na ang Pilipinas at Sri Lanka. Ang una ay 7th seed pero pumangalawa sa eliminations at nakahablot ng pangatlong puwesto habang ang huli ay 18th ranked lang subalit nakapasok sa unang walo.
Nakaharap ng mga Pinay sa semis ang pangalawa sa pre-tournament favorite na Indonesia pero hindi ito nakaagapay sa lakas ng karibal mula sa Timog-Silangang Asya.
Samantala, lumuhod sa bangis ng Khazakstan ang Pilipinas sa quarterfinals sa men’s division. Sa unang sulungan, bokya ang mga Pinoy chessers,0-4, samantalang sa pangalawang sabak ay hindi rin sila nakaporma, 1-3. Ang tanging naging pampalubag-loob ng bansa sa pangkat na ito ng sagupaan ay ang gold medal ni IM Paulo Bersamina sa board 3 at ang silver ni GM Rogelio Barcenilla sa board 2.
留言