ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 6, 2025

TAGILID SI INCUMBENT GOV. EBDANE, MAY KATUTUBONG KUMASA SA KANYA SA GUBERNATORIAL RACE SA ZAMBALES -- Para sa Supreme Court (SC) ay naging api ang katutubong Aeta na si Chito Bulatao Balintay nang idiskuwalipika ito ng Commission on Elections (Comelec) bilang independent gubernatorial candidate, gayong ang nais lang naman nito na kung sakaling palarin ay maglingkod sa mga kababayan niya sa Zambales. At dahil d’yan ay kinastigo ng SC ang ginawang ito ng komisyon kaya’t inatasan ito na isama sa balota ang katutubo at payagang kumandidato sa pagka-gobernador ng lalawigan.
Sa totoo lang, nagdedelikado ngayon ang kandidatura ni reelectionist Gov. Hermogenes Ebdane kasi kung dati ay unopposed siya, ngayon ay may kalaban na siya sa posisyon sa katauhan ng katutubong Aeta na si Balintay, na ang nais nating ipunto, kapag nakuha ni Balintay ang simpatiya ng mayoryang taga-Zambales, malamang talunin nito sa pagka-gobernador ang incumbent governor, period!
XXX
IMBES PASALAMATAN NG COMELEC SI ATTY. RESPICIO SA KANYANG IBINULGAR, KABALIKTARAN DAHIL IDINEMANDA PA SIYA NG KOMISYON -- Bukod sa pagiging abogado at CPA, ay IT-expert din si Atty. Jeryll Respicio, kandidato sa pagka-vice mayor ng Reina Mercedes, Isabela, at ayon sa kanyang pagsusuri ay posible raw ma-hack ng mga hacker ang resulta ng eleksyon kung iku-connect ng Comelec sa internet ang counting at print out ng mga boto, kaya’t panawagan niya sa komisyon ay tapusin muna ang pagbilang ng mga boto bago i-connect sa internet ang automated counting machine (ACM) upang hindi ito ma-hack.
Ito na siste, imbes pasalamatan sa kanyang payo, ang ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ay sinampahan pa ito ng kasong cybercrime, tsk!
XXX
NEWLY APPOINTED PCO SEC. JAY RUIZ TIYAK NA MAGIGISA SA COMMISSION ON APPOINTMENTS -- Matapos mabulgar na konektado pa rin si newly appointed Presidential Communication Office (PCO) Sec. Jay Ruiz sa kanyang mga negosyo kahit isa na siyang gov’t. official, ay malamang dadaan siya sa “butas ng karayom” sa Commission on Appointments (CA).
Tiyak na magigisa siya sa CA sa isyung conflict of interest sa kanyang pagiging negosyante at gov’t official, dahil nga nasa batas na dapat mag-resign ang negosyante sa anumang katungkulan niya sa pribado nilang negosyo bago ito tumanggap ng anumang posisyon sa pamahalaan, period!
XXX
PNP CHIEF, 2 BESES SUMABLAY KAYA 2 BESES DING BINASH NG NETIZENS SA SOCMED -- Nakadalawang magkasunod na sablay na si PNP Chief Gen. Rommel Marbil, una ang ilegal na pagdaan ng convoy niya sa EDSA busway, at pangalawa ang laban-bawi sa pagsibak kay PNP-AKG (Anti-Kidnapping Group) head, Col. Elmer Ragay, na ayon sa liderato ng PNP kaya ito sinibak ay dahil palpak daw ang performance nito, pero wala pang 24-oras binawi ang pagsibak, ibinalik ito sa puwesto sa kadahilanang ipinagbabawal ng Comelec ang magtanggal o mag-transfer ng police officer sa panahon ng halalan.
Kung hindi na sana tinanggap ni Gen. Marbil ang extension o pagpapalawig ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang termino at nagretiro na lang siya noong Feb. 7, 2025 na birthday niya sa edad na 56, kung saan ito talaga ang mandatory age ng mga pulis, hindi sana siya nakatikim ng dalawang magkasunod na pamba-bash mula sa mga netizens sa social media, boom!
Komentar