ni Pablo Hernandez @Prangkahan |September 2, 2024
DAHIL WALANG AKSYON SINA MAYORA HONEY AT GEN. IBAY LABAN SA MGA NANGRARAKET SA MAYNILA, DAPAT SI DILG SEC. ABALOS NA ANG KUMILOS -- Patuloy ang pamamayagpag ng mga raket na STL bookies-con jueteng, lotteng at EZ-2 ng mga Manila gambling lords na sina "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy," "Dani Bukol," "Anna," "Prades," "Tonton," "Tata Ber", at "Lando."
Kung walang gagawing aksyon laban sa mga gambling lord na ito sina Mayora Honey Lacuna at Manila Police District (MPD) Director, Brig. Gen. Arnold Ibay, marahil ang dapat nang umaksyon dito ay si Sec. Benhur Abalos ng Dept. of the Interior and Local Government (DILG) para matigil na ang pangraraket ng mga ilegalistang ito sa mga taga-Maynila, period!
XXX
KAPAG NAGWAGI ANG DUTERTE-DUTERTE SA 2028 ELECTION, LALONG DADAMI ANG POLITICAL DYNASTY -- Muling iminungkahi ni former presidential legal counsel Salvador Panelo ang tandem na Vice Pres. Sara Duterte at ex-P-Duterte (Duterte-Duterte) para sa 2028 election dahil ayon sa kanya ay walang tatalo sa mag-ama kapag nag-tandem sila sa halalang pampanguluhan.
Kapag nangyari iyan at parehong nanalo ang mag-ama sa posisyong presidente at bise presidente, asahan nang lalong dadami ang political dynasty sa ‘Pinas, tsk!
XXX
QUIBOLOY, ISUSUKO SA US, ISUKO RIN KAYA SINA EX-P-DUTERTE AT SEN. DELA ROSA SA ICC? -- Tinabla ng Dept. of Justice (DOJ) ang hirit ng kampo ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy na sakaling sumuko o maaresto ay huwag daw isuko sa Amerika ang pastor na may mga kinakaharap umanong kasong sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion at bulk cash smuggling sa Tate.
Dahil sa statement na iyan ng DOJ ay hindi man aminin, siguradong kinabahan din sina ex-P-Duterte at dating PNP chief at ngayo’y Sen. Ronald Dela Rosa, kasi may posibilidad pala na tablahin din sila ng Marcos administration, na ibig sabihin kapag naglabas ng warrant of arrest sa kanila ang International Criminal Court (ICC), maaaring isuko rin sila ng gobyernong Marcos sa ICC, boom!
XXX
HUWAG ISAMA SA LIFETIME PENSION ANG MGA ATLETANG MAGKAKAMEDALYA NA WALANG GMRC -- Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang pagsusulong ng panukalang batas na pagkalooban ng lifetime pension ang mga atletang makapag-uuwi sa Pilipinas ng mga medalya sa Olympics.
Okey ‘yan para mas magsikap ang mga atleta na mag-uwi ng medalya mula sa Olympics, pero sana ay may pamantayan na iyong atletang magkakamedalya pero walang GMRC o good manners and right conduct na parang tulad ni double gold medalist Carlos Yulo na walang respeto sa ina at nagtakwil sa buong pamilya ay hindi makasama sa biyayang lifetime pension, period!
Comments