top of page

Ate Sarah Discaya: Pagtutok sa kalusugan at pagpapabuti ng serbisyo para sa Pasig

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 2 min read

ni Chit Luna @News | Apr. 9, 2025



Pangkalusugan ang prayoridad ni Ate Sarah Discaya.


Ito ay sa pamamagitan ng pag-inspeksyon sa mga ospital upang matukoy ang mga kailangan tulad ng mga kagamitan at gamot.


Kumpiyansa rin si Discaya na makapagpatayo ng bagong ospital sa loob ng dalawang taon, kung siya ay mahalal bilang bagong lokal na pinuno sa Mayo 12.


“Kasama po sa mga ginagawa namin ay ang pagtatayo ng ospital sa Maynila. Nagsimula kami noong nakaraang taon at matatapos ito ngayong taon,” dagdag pa niya.


Ayon pa kay Discaya, bibigyan niya ng prayoridad ang kalusugan sa pamamagitan ng pagtatayo ng 11-palapag na ospital na may world-class na pasilidad.





“Ang gusto po namin ay kumpleto ang kagamitan ng bagong ospital dahil sa aming opisina, nakakatanggap kami ng mga request para sa karagdagang MRI, CT Scan at laboratory equipment dahil parang wala po ito sa PCGH. Gusto po namin kumpleto ang lahat kapag itinayo namin ang ospital,” aniya sa mga residente ng Pasig sa isang caucus meeting sa Brgy. Kapitolyo noong Linggo ng gabi.


Binanggit din ni Discaya na ang madalas nilang medical mission sa pakikipagtulungan ng St. Gerrard Charity Foundation ay mga pansamantalang solusyon lamang.


“Kaya po tayo magtatayo ng ospital — isang permanenteng solusyon,” aniya.

Ipinarating din ni Ate Sarah sa mga Pasigueño ang pinakamagandang balita kung saan, magiging zero billing ang lahat ng pasyente sa Pasig, lalo na ang mga indigent o mahihirap.


“Inspired po kami kay Governor [Reynaldo] Tamayo, Jr. ng South Cotabato. Sa South Cotabato, wala po silang cashier sa ospital. Ganoon din po sa Sultan Kudarat, wala pong cashier. Mga probinsya po ito. Dito po sa lungsod, hindi po ba natin kayang gawin ito?” tanong niya sa mga residente.


Bilang bahagi ng kanyang malasakit sa mga pamilya, lalo na sa mga magulang ng mga batang may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), nais ni Ate Sarah na maglunsad ng mga programang tututok sa kanilang kalusugan at edukasyon.


Kasama sa kanyang mga plano ang pagbibigay ng libreng assessment, mga serbisyo, at tamang gabay at suporta.


Ang mga hakbang na ito ay patunay ng kanyang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pasigueño, lalo na ang mga kabataan.


Sa ganitong mga hakbang, pinapalakas ni Ate Sarah ang kanyang pangako na magtayo ng mas makatarungan at maunlad na Pasig para sa bawat isa, mula sa mga bata hanggang sa mga matatanda.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page