ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 15, 2022
KATANUNGAN
May boyfriend ako, pero parang ayaw niya pang magpakasal dahil marami pa raw siyang pangarap bago siya mag-asawa. Sa edad kong 29, hindi maalis sa isip ko ang mag-alala. Paano kung hindi kami magkatuluyan? Sayang naman ang mahigit limang taon na pinagsamahan namin.
Sa ngayon, isa lang ang gusto kong malaman, worth it ba ang paghihintay ko at siya na ba talaga ang lalaking nakaguhit sa aking mga palad at sa bandang huli ay kami ba ang magkakatuluyan?
Minsan, naiisip kong pilitin siya na magpakasal, pero kung talagang ayaw pang mag-asawa ng isang tao, wala naman siguro akong magagawa. Sa palagay n’yo, Maestro, dapat pa ba akong maghintay kahit nararamdaman kong nagkakaedad na ako?
KASAGUTAN
Sa aktuwal na pangyayari, may mga espisipikong sitwasyon na nagtutulak sa isang lalaki na mag-asawa at bumuo ng pamilya. Una, nakakapag-asawa ang isang lalaki dahil sa isang aksidente. Halimbawa, nabuntis niya ang kanyang girlfriend at hindi na niya ito matakasan pa.
Pangalawa, kapag pinilit lang siya. Ito naman ‘yung nagdadalawang-isip pa siya o hindi pa siya desididong pakasalan ang kanyang nobya, subalit sa kakapilit ng kanyang karelasyon, gayundin ang kanyang mga magulang, pumayag din siyang mag-asawa.
Pangatlo, dahil sa kapalaran. Halimbawa, nakipag-blind date siya at sa unang pagkikita pa lang nila ay nagmahalan agad sila, kaya matapos ang ilang araw ng napakasarap na romansa at nakakikilig na ugnayan, hindi na sila naghiwalay dahil dama nilang in love na in love sila sa isa’t isa. Gayundin, sila mismo ang nagpasya na magpakasal agad.
Pang-apat, siya mismo ang nagdesisyon. May pagkakataon talaga sa buhay ng lalaki na nalulungkot na siya, maganda man ang career o posisyon niya sa lipunan, pero parang may kulang sa buhay niya. Sa panahong ‘yun, para siyang si Adan sa paraiso ng Eden, naghanap na ng Eva at nang nagka-girlfriend siya, nagpasaya siyang mag-asawa na.
Ang pinakamabuti mong magagawa, Leah, ay hayaan mong magkusa ang iyong boyfriend na pakasalan ka. Ito ang pinakamagandang relasyon o pag-aasawang gagawin ng isang lalaki — ‘yung siya mismo ang nagpasya at may gusto na mag-asawa. Sa ganitong sitwasyon, mas magiging matatag, maunlad at maligaya ang bubuuin n’yong pamilya.
Ganundin ang posibleng mangyari, basta huwag kang magmadali sa kasalukuyan n’yong relasyon ng boyfriend mo. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isa at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa pag-aasawa, huwag kang mainip at mamimilit dahil tiyak ang magaganap, sa piling ng kasalukuyan mong boyfriend, magtatagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa at habambuhay na kayong magiging maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
Leah, ayon sa iyong mga datos, tulad ng nasabi na, huwag kang mainip. Bagkus, maghintay ka lang, sapagkat darating ang eksaktong panahon na ang boyfriend mo ang mag-aalok sa iyo ng kasal.
Ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2024 at sa edad mong 31 pataas, kung saan ang nasabing pag-aasawa ay walang duda na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).
Comments