ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 13, 2025

Magandang balita para sa ating mga mag-aaral sa senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, libre na ang assessment para sa pagkakaroon ng national certification. Malaking tulong ito upang magkaroon ang ating mga SHS-TVL learners ng mas mataas na pagkakataong magkaroon ng magandang trabaho.
Kaya naman hinihimok natin ang ating mga mag-aaral sa SHS-TVL na mag-apply na para sa assessment at certification. Maaari silang iendorso ng mga punong-guro sa pinakamalapit na provincial o district office ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Maaari rin silang iendorso ng Schools Division Office sa pinakamalapit na TESDA provincial o district office o kaya ay puwede rin silang mag-apply ng diretsahan sa pinakamalapit na TESDA provincial o district office.
Isinulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng pondo para sa assessment at certification ng mga SHS-TVL learners para sa taong 2024 at 2025. Noong 2024, P438.162 milyon ang inilaan para sa SHS assessment at certification program. Para naman sa taong ito, P275.861 milyon ang inilaan para sa programa.
Inilabas kamakailan ng Department of Education (DepEd), ang DepEd Order No. 003 s. 2025, kung saan nakalagay ang mga pamantayan para sa pagpapatupad ng naturang programa para sa assessment at certification ng mga SHS-TVL learners.
Maaaring sumailalim sa libreng assessment ang mga sumusunod na mga mag-aaral – mga SHS-TVL learners na kasalukuyang naka-enroll sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan para sa School Year (SY) 2024-2025 at SY 2025-2026; ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS) sa SHS-TVL track na naka-enroll sa mga pampubliko at pribadong learning centers para sa SY 2024-2025 at SY 2025-2026; at mga SHS-TVL graduates at ALS graduates sa SHS-TVL track mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan para sa SY 2022-2023 at SY 2023-2024.
Isinulong natin ang pagpapatupad ng programang ito dahil batay sa pagsusuri ng ating tanggapan, mababa ang porsyento ng mga SHS-TVL learners na nakakatanggap ng certification. Para sa School Year 2019-2020, umabot lamang sa 25.7% ang certification rate para sa mga TVL graduates ng senior high school. Bumaba pa ito sa 6.8% noong SY 2020-2021. Isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling mababa ang certification rate ay dahil kailangang magbayad ng mga mag-aaral ng humigit-kumulang P1,009.29 para mga National Certification Assessment.
Nagpapasalamat tayo sa DepEd at sa TESDA sa pagpapatupad ng programang ito. Patuloy nating isusulong ang mga oportunidad upang iangat ang kahandaan ng ating mga SHS learners sa trabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments