ni Lolet Abania | October 30, 2020
Isang K-9 service company mula sa San Jose, Antipolo City ang nagsasanay ng mga aso at hinahasa ang abilidad ng mga ito para matukoy ang mga taong nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Ryia Tabares ng Universal K-9 Training and Services, 10 aso ang kanilang tine-train sa nakalipas na apat na buwan upang ma-detect ang isang indibidwal na nag-positive sa test sa Coronavirus.
“This time sa COVID, i-imprint ‘yung COVID-19 na specimen. Ang ginamit namin na specimen is from COVID-19 patients na nag-positive. Kinuha namin ‘yung face mask nila, ‘yung laway nila and also ‘yung mga damit nila na may pawis nila,” sabi ni Tabares. “So far ‘yun pa lang ‘yung nade-detect namin ‘yung kukunin ‘yung mask nila, ‘yung sweat nila pero later on, ideally ang gusto namin, dadaan lang ‘yung tao, alam na natin kung may COVID-19,” dagdag niya.
Samantala, ang mga bansa tulad ng Finland, Germany, Iran at France ay nagsimula na ring magsanay ng mga aso para ma-detect ang mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ayon naman kay Gerry Tabares Jr., isa sa mga kawani ng nasabing kumpanya, nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan ng Antipolo para sa isasagawang demonstration sa mga asong sinanay at hinasa para matukoy ang mga infected ng virus.
“Significant ‘yung accuracy nila, 96% — that’s based sa ibang bansa. Kaya kami, with the help of Antipolo government, ‘yun ang gusto naming mangyari na we could gather data para ma-prove din natin ‘yung mga aso natin na maging mataas ang accuracy rate,” sabi ni Tabares Jr..
Comments