Ashwagandha, mabisa kontra stress at anxiety
- BULGAR
- 7 hours ago
- 4 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Apr. 16, 2025
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang government employee, edad na 35, may asawa at dalawang anak. Dahil sa araw-araw na pagbibiyahe, pagpasok sa trabaho at mga gawaing bahay ay nakakaranas ako ng stress at anxiety. Nahihirapan din akong makatulog sa gabi.
Sinubukan ko na magkonsulta sa doktor at ipinayo nito ang pag-inom ng pampatulog gabi-gabi. Nakatulong ito sa akin na mabawasan ang stress na nararamdaman ngunit patuloy pa rin ito at ang aking mga nararamdaman pati na ang araw-araw na anxiety.
Ipinayo sa akin ng aking kaibigan mula sa bansang India na ako ay uminom ng Ashwagandha supplement. Ayon sa kanya ito ay naging mabisa sa kanyang anxiety. Makakatulong din daw ito sa aking pagtulog.
Nais ko sanang malaman kung ano ang Ashwagandha? May mga scientific studies na ba tungkol sa bisa nito sa stress at anxiety? Safe ba na ito ay inumin araw-araw? Maaari ba itong inumin kasama ang ibang gamot? Maraming salamat at sana ay masagot niyo ang aking mga katanungan. — Maria Christina
Maraming salamat Maria Christina sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang Ashwagandha ay isang halaman na tumutubo sa Africa, Asia, at Europa. Ito ay karaniwang tinatawag sa common Sanskrit na pangalan nitong “Ashwaganda” na ang ibig sabihin ay basang kabayo (wet horse) dahil sa natatanging amoy nito. Tinatawag din itong “winter cherry” o kaya ay “Indian ginseng”.
Sa bansang India, partikular sa kanilang tradisyonal na Ayurvedic medicine at sa Unani medicine systems ay ginagamit ang Ashwagandha bilang isang adaptogen. Ang adaptogen ay mga compounds o produkto na nakakatulong sa atin na labanan ang iba’t ibang bagay na nagiging dahilan ng stress. Ito ang rason kung bakit kilala ang Ashwagandha bilang panlaban sa stress at anxiety.
Ang Ashwagandha ay may scientific name na Withania somnifera. Ang ibig sabihin ng “somnifera” ay sleep-inducing, kaya ginagamit din itong pampatulog.
Ang mga Ashwagandha supplements na available sa merkado ay mula sa ugat at dahon ng halamang ito.
Ngunit may basehan ba ang paggamit ng Ashwagandha na panlaban sa anxiety, stress at bilang pampatulog?
Sa isang systematic review ng pitong clinical trials ng Ashwagandha na nailathala sa Journal of Herbal Medicine noong taong 2021, lumabas na ang Ashwagandha ay “significantly reduced stress and anxiety levels”.
Bukod sa pinababa nito ang stress at anxiety levels, pinababa rin nito ang sleeplessness at fatigue. At nang sukatin ang level ng cortisol, isang stress hormone, bumaba rin ito. May 491 na adult participants ang kalahok sa mga pag-aaral na kasama sa systematic review na ito. Ang epektibong dose ayon sa systematic review na ito ay 500 to 600 milligrams bawat araw.
Samantala, sa isa pang mas makabagong pag-aaral na inilathala naman sa Journal of Ayurveda and Integrative Medicine nitong taong 2022 na isinagawa sa estado ng Florida sa bansang Amerika kasama ang 60 adult participants, may positibong epekto ang Ashwagandha sa stress, anxiety, depression at food cravings. Bumaba rin ang cortisol level ng mga uminom ng Ashwagandha. Ang dose na ininom ng mga participant sa loob ng 30 araw ay 225 milligrams at 400 milligrams bawat araw.
Ganito rin ang naging resulta ng pag-aaral sa India, isang randomized double-blind placebo-controlled study, na may kalahok na 130 na lalaki at mga babae na may edad 20 hanggang 55. Bukod sa improvement sa stress levels, sleep quality at pagbaba ng cortisol (stress hormone) levels, nagkaroon din ng improvement sa psychological well-being, memory at focus ng mga study participants. Isinapubliko ang resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na Evidence-based Complementary and Alternative Medicine noong taong 2021.
Sa isang clinical trial sa India kung saan masusing pinag-aralan ang epekto ng Ashwagandha sa iba’t ibang aspeto ng pagtulog, 72 porsyento ng mga uminom ng Ashwagandha ay nagkaroon ng improvement sa haba ng pagtulog. Nakatulog din agad ang mga uminom ng Ashwagandha, at nabawasan ang paggising sa magdamag. Na-publish ang resulta ng clinical trial na ito sa Sleep Medicine journal noong taong 2020.
Safe bang uminom ng Ashwagandha? Ayon sa Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ng bansang Amerika, at mga nabanggit na pag-aaral at sa ibang safety studies, maaaring inumin ito hanggang tatlong buwan ng walang inaasahang masamang epekto sa katawan. Wala pang pag-aaral sa epekto nito kung iinumin ng pangmatagalan.
Maaaring makaramdam ng mild side effects katulad ng discomfort sa tiyan, nausea, at antok. May ini-report na rin na maaaring magkaroon ng heart rate variability.
Kung ninanais na uminom ng Ashwagandha, mas makakabuti na kumonsulta sa inyong doktor, lalo na kung may iniinom na mga maintenance medications. Ang matagalang pag-inom nito ay maaaring may epekto sa ating atay (liver), thyroid, at sa mga indibidwal na may prostate cancer. Ang mga buntis at mga ina na nagbi-breastfeeding ay mabuting umiwas sa pag-inom ng Ashwagandha.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments