top of page
Search

ASEAN Basketball League, inihahanda na sa 2021

BULGAR

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 5, 2020





Determinado ang ASEAN Basketball League (ABL) na bumalik sa paglalaro sa 2021. Maraming pagbabago ang inihanda ng ligang propesyonal upang masagot ang pananabik ng kanilang mga dumaraming tagahanga papasok sa kanilang ikalawang dekada.


Pangunahin dito ang pagtalaga kay Connor Nguyen na Presidente ng Saigon Heat bilang pansamantalang Chief Executive Officer (CEO) ng ABL kapalit ang Filipino na si Jericho Ilagan. Si Nguyen ang hahawak ng malaking responsibilidad na gabayan ang liga patungo sa kanilang pagbabalik matapos tuluyang ibasura ang 2019-2020 season bunga ng COVID-19.


Imbes na iikot ang mga laro sa mga tahanan ng mga koponan, magkakaroon ng serye ng mga maikling torneo at mananatili ang mga kalahok sa isang lugar sa loob ng isang linggo. Gagawaran ng puntos ang mga magwawagi at ang mga koponan na may pinakamaraming puntos sa pagwakas ng serye ay maghaharap para sa pangkalahatang kampeonato.


Kahit patuloy pa rin ang laban kontra sa pandemya naniniwala si Nguyen na kakayanin nila bumalik at bukas palagi ang linya ng komunikasyon ng mga kinatawan ng mga koponan. Hindi lang sila makapagbigay ng tiyak na petsa dahil sa iba’t ibang mga patakaran ng mga bansa lalo na pagdating sa kalusugan at paglakbay na malaking aspeto ng ABL.


Huling naglaro ang ABL noong Marso 6 kung saan tinalo ng Kuala Lumpur Dragons ang kanilang mga bisita Singapore Slingers,70-67, sa MABA Stadium. Nangunguna sa 10 koponan ang Mono Vampire ng Thailand na may kartadang 12-4 panalo-talo at sinusundan ng San Miguel Alab Pilipinas (10-6) at Dragons (10-7).


Sa panig ng Alab Pilipinas, hindi pa malinaw ang kanilang plano. Si head coach Jimmy Alapag ay nagpasya na ilipat ang kanyang pamilya at manirahan sa Estados Unidos noong Setyembre habang ilan sa mga pangunahing manlalaro ay may balak sumali sa susunod na PBA Rookie Draft tulad nina Andrei Caracut, Jeremiah Gray, Lawrence Domingo, Jason Brickman, Tzaddy Rangel, Jordan Heading at Brandon Ganuelas-Rosser.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page